AIBA: Petecio at Villegas susuntok para sa q’finals

Susuntok para makausad sa quarterfinals si 30th Southeast Asian Games campaigner Nesthy Petecio laban sa delikadong si Qiao Jieru ng China sa round-of-16 ng 2019 Women’s Boxing Championships ngayon sa Ulan-Ude, Russia.
Bitbit ang motibasyon at kahandaan sa susunod na laban matapos ang matagumpay na pagpapatalsik sa dating Olympian at world champion na si Stanimira Petrova ng Bulgaria, 3-2, Sabado ng gabi. Maganda ang naging panimula ng 27-anyos na tubong-Santa Cruz, Davao del Sur sa malaking panalong nakamit laban sa 2016 European champion at 2014 Jeju World Champion sa round-of-32 at kay Jucielen Romeu ng Brazil sa round-of-64 elimination round.
Naging kontrobersiyal naman ang panalo ni Jieru laban kay Neeraj ng India nang paboran ng judges ang Chinese boxer para sa 3-2 panalo kahit pa man tinawagan ito ng referee ng sobrang paghawak. Sinubukan ng Indian official’s na magreklamo sa International Boxing Association (AIBA) ngunit bigo ito sa mga technical committee.
Sakaling manaig si Petecio kay Jieru ay sunod na makalalaban nito ang magwawagi sa laban nina Leonela Sanchez ng Argentina at Sena Ire ng Japan sa Featherweight quarterfinals sa Huwebes ng hapon. Susubok din na makausad sa bantamweight quarterfinals si Aira Villegas matapos makakuha ng bye sa first round laban kay Silpa Lau Ratu ng Indonesia, Miyerkules ng hapon. Sakaling manaig ay lalabanan nito ang magwawagi kina Huang Hsiao-Wen ng Chinese Taipei at Giordanni Sorrentino ng Italy sa Huwebes din ng hapon.
Bigo namang makausad si flyweight Irish Magno nang matalo sa 1-4 sa kamay ni Chinese Zongju Cai. Ang torneong nilahukan ng 256 boxers mula sa 73 bansa ay isang paghahanda ng Pinay pugs para sa biennial meet kung saan lalahukan ng 8 kalalakihang boksingero at 5 kababaihang boxers sa pamumuno ni World Champion Light flyweight Josie Gabuco at nina Petecio, Villegas, Magno at Lightweight Risa Pasuit.





Comments