top of page
Pokwang.jpg

Mga opisyal sa kulungan, dapat 'yung totoong may alam, hindi dahil may kapit lang

Bong Revilla
Oct 7, 2019
2 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!

Kamakailan, kabi-kabila ang talakayan hinggil sa palpak na sitwasyon ng mga bilangguan sa bansa na naungkat lang at humaba nang humaba nang mabigla ang lahat na marami na ang lalaya dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law.

Dahil sa mga pagdinig at imbestigasyon, napunta sa hindi magandang sitwasyon ng mga kulungan ang usapan, kabilang na ang kakulangan ng mga selda at sobra-sobrang bilanggo sa iba’t ibang piitan sa bansa.

Maging ang kakulangan sa pagkain ng mga preso na umano’y dahil sa sandamakmak na anomalya at overpricing ay naungkat na rin sa mga imbestigasyon hanggang sa pagpupuslit ng ipinagbabawal na droga sa loob mismo ng mga kulungan sa bansa.

Marahil, sa dinami-rami ng mga nagbibigay ng komento hinggil sa problema sa mga kulungan ay isa tayo sa mga makapagsasabi ng tunay at aktuwal na sitwasyon sa loob.

Apat na taon at anim na buwan ako sa Camp Crame Custodial Center at high-profile inmates ang mga kasama ko although higit na maayos ang palakad sa Custodial Center kumpara sa mga detention at city jail, pero pareho pa ring kulungan.

At doon natin nakita ang napaka­raming kakulangan, malasakit at hindi propesyunal na sistema kaya sa kabuuan ay masasabi nating napakarami pa ng dapat ayusin pagdating sa mga piitan.

Kaya nasa loob pa lamang tayo ng kulungan ay inihanda ko na ang panu­kalang-batas upang gawing propesyunal ang jail management and corrections administration upang matulungang iresolba ang napakalaking problema ng bansa hinggil sa sistema ng kulungan.

Isinumite ko agad ang Senate Bill No. 910, “An Act to Professionalize the Practice of Prison Management and set for that purpose the Qualifications for Superintendents of the National Prison System and Wardens of Provincial, City and Municipal Jails” upang maitaas ang kondisyon ng mga bilanggo sa maayos na pamamahala sa kabila ng kakulangan ng pondo para sa naturang sektor.

Sa ilalim ng batas na ito, lahat ng superintendents ng prisons o colonies o prison farms ng National Prison System ay kailangang may Bachelor’s Degree in Law o mas mabuti kung miyembro ng Philippine Bar o may Bachelor’s Degree in Public Administration; may training at experience na hindi bababa sa limang taon sa corrections at prison management.

Dapat nagtataglay din ng good moral character at may reputasyon sa komunidad na maayos at parehas, hindi pa convicted sa anumang criminal offense o nasasampahan ng kasong administratibo na may kinalaman sa usaping moral habang nasa gitna ng pagkakatalaga.

Maging ang warden ng mga provincial, city at municipal jail ay kailangan ng Bachelor’s Degree in Law, Public Administration, Psychology o anumang katumbas nito, training at experience na hindi bababa sa tatlong taon sa corrections at prison management; nagtataglay ng good moral character at reputasyon na hindi pa napan ng kahit anong criminal offense.

Hindi tulad ngayon na marami ang walang malasakit at walang pagpapahalaga sa posisyon dahil sa malakas lang sa itaas.

Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page