Babala ng DOTr.. Ayaw sa PUV modernization, babawian ng prangkisa

Maaaring mabawian ng prangkisa ang mga operators ng public utility vehicle (PUV) na tatangging sumunod sa modernization program ng gobyerno.
Babala ni Department of Transportation (DOTr) Undersecretary Mark de Leon, kung hindi makatutugon sa PUV modernization program ang mga may-ari o operators ng jeep at iba pang pampublikong sasakyan sa deadline sa taong 2020, bubuksan na lang sa iba ang kanilang prangkisa.
“By 2020, bibigyan kayo ng notice, kapag hindi pa kayo mag-modernize, io-open po namin ang inyong prangkisa sa ibang operators. Let’s stick to the deadline at kung hindi kayo makaka-comply, pasensiyahan na lamang po tayo,” ani De Leon.
Layunin ng PUV modernization program na mawalis na sa kalsada ang mga lumang jeep at mapalitan ito ng mga unit na nakasusunod sa Euro 4 o ang makinang napaaandar ng renewable energy.
Ang bawat unit ay nagkakahalagang P1 milyon hanggang P2.2 milyon.
Sa ilalim ng programa, aabot sa P80,000 ang halagang ibibigay na subsidiya ng gobyerno.
Inoobliga rin ang mga operators na may iisang ruta na pagsama-samahin ang kanilang prangkisa upang maalis ang kultura ng kompetisyon sa transport service.
Nananatiling positibo ang opisyal na kung tuluyan nang aarangkada ang PUV modernization program ay mas mapapabuti ang transportation system sa bansa.
Noong nakaraang linggo ay ikinasa ng iba’t ibang grupo ang malawakang tigil-pasada laban sa programa dahil hindi umano kakayanin ng mga ordinaryong tsuper at operator ang halaga ng bawat unit ng makabagong jeep.





Comments