11 Hayskul nalason sa pork guisado

Nasa 11 estudyante ng Manguiao National High School sa bayan ng Asturias sa lalawigan ng Cebu ang magkakasabay na dinala sa ospital matapos umanong malason, kahapon.
Pawang mga kababaihan ang sinasabing nabiktima at sa mismong infirmary clinic ng kanilang paaralan sila naitakbo pasado alas-7:00 ng gabi.
Ayon kay Police Staff Sergeant Benjie Nuñez, pawang mga nagrereklamo sa nararanasang matinding sakit ng tiyan ang mga estudyante ilang sandali nang makakain ng fried rice at pork guisado bilang tanghalian sa loob mismo ng kanilang paaralan, bandang alas-11:00 ng umaga.
Nabatid na walo sa 11 estudyante ang nakalabas na ng ospital kahapon ng umaga habang nananatili pa rin ang tatlo dahil kailangan pa ring obserbahan ng mga doktor.
Sinasabing nagsasagawa ang mga biktima ng tatlong araw na camping event sa naturang eskuwelahan na nagsimula noong Oktubre 4.
Napag-alaman na dala bilang kani-kanilang baon ang nabanggit na pagkain na kanilang niluto noon pang Biyernes at itinabi ang ibang mga hindi nakain para gawing pananghalian kinabukasan na sinasabing napanis na.
Lumabas sa findings ng doktor na nag karoon ng sakit na “acute gastritis secondary to food poisoning” ang mga estudyante dulot ng sirang pagkain.





Comments