top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

Wala pang gurlis ang pakpak ng Blue Eagles!

A. Servinio / VA
Oct 6, 2019
2 min read

Malinis pa rin ang defending champion Ateneo de Manila University sa pagsisimula ng pangalawang round ng UAAP Season 82 Seniors Basketball sa Mall of Asia Arena Sabado ng hapon. Umulit ang Blue Eagles sa University of Santo Tomas, 66-52, para sa kanilang ika-walong tagumpay.

Pinamunuan ni Thirdy Ravena ang martsa ng Blue Eagles na may 17 puntos. Nag-ambag ng 11 puntos si SJ Belangel upang malipol ang mga tangkang bumalik ng Tigers sa likod ni Renz Abando at Mark Nonoy. Matatandaan na ang UST ang pinakadikit sa pitong tagumpay ng Ateneo sa unang round, 71-70, noong Set.11. Sa anim na iba pang panalo ng Blue Eagles, wagi sila na may average na 18.5 puntos.

Sa unang laro, naglabas ng halimaw na numero sina Adama “Alex” Diakhite at Rey Anthony Suerte upang makaganti ang University of the East sa Adamson University, 80-74. Bumanat ng todo ang dalawang Warrior sa second half upang matala ang kanilang pangatlong panalo at pantayan ang kartada ng Falcons sa 3-5.

Nagtapos si Diakhite na may 29 puntos, kasama ang isang nakagugulat na tres sa 4th quarter, kasama ang 13 rebound, 3 assist at 2 tapal. Hindi malayo si Suerte na nag-ambag ng 26 puntos, pitong rebound at 3 assist.

Lamang ng bahagya ang Adamson, 50-48, pero nabuhay ang Warriors at kumontra sa pamamagitan ng 17-6 na buhos at naagaw ang lamang, 65-56. Humabol ang Falcons at natapyas sa isa ang pagitan, 68-69, subalit mainit talaga ang UE at lumayo pagsapit ng huling dalawang minuto, 77-71.

Nagbukas din ang aksyon sa 2nd round ng Women’s Division kung saan wagi ang Adamson sa UE, 66-56. Sinundan ito ng panalo ng UST sa Ateneo, 68-66.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page