Balanga, may puso, pero inalat sa FIBA 3X3 SoKor
- A. Servinio
- Oct 6, 2019
- 2 min read

Hindi na naman pinalad ang Pilipinas sa FIBA 3X3 Jeju Challenger noong Sabado sa South Korea. Agad dumapa ang Balanga Chooks sa Winnipeg AP ng Canada, 16-17 at tuluyang nagpaalam matapos ang masaklap na 20-21 pagkabigo sa Princeton ng Estados Unidos sa qualifying round sa Jeju.
Laban sa mga taga-Canada, tumabla ang talaan sa 16-16 matapos ang buslo ni Leonard Santillan na may 50 segundo nalalabi. May pagkakataon na lumamang ang Balanga subalit natawagan sila ng shot clock violation at sinundan ito ng nagpapanalong lay-up ni Jelane Pryce na may limang segundo sa orasan.
Tinala ni Pryce ang 11 ng kanilang 17 puntos. Nanguna para sa Balanga sina Alvin Pasaol na may walo at Santillan na may 6 na puntos.
Dahil sa 19-15 tagumpay ng Winnipeg sa Princeton sa unang laro ng umaga, pumasok na sila sa main draw. Kahit parehong tanggal na, naglaro ng mahigpitan ang Balanga at Princeton, ang kasalukuyang ika-anim na pinakamataas ang ranggo sa FIBA 3X3 sa buong mundo.
Pinalamang ni Pasaol ang Balanga na may 1:11 nalalabi, 20-19. Sa kasamaang palad, binigyan ng foul ni Karl Dehesa si Robbie Hummel at kalmang pinasok ng dating guwardiya ng Minnesota Timberwolves ang dalawang free throw para wakasan ang laro na may 46 segundo pa.
Nanguna para sa Princeton si Hummel na may 10 puntos. Matapos walang ginawa kontra sa Winnipeg, bumawi si Chris De Chavez at nagpasabog ng 12 puntos buhat sa limang dos subalit hindi ito naging sapat.
Ang paglaro ng Pilipinas sa mga torneong ito ay upang manatili sa Top 24 ng FIBA 3X3 at mabigyan ng imbitasyon sa 2020 Tokyo Olympics qualifying tournament na nakatakda sa susunod na Marso. Kasalukuyang nasa ika-22 na puwesto ang Pilipinas na may 8,153,226 puntos.





Comments