Atty. Gadon, sinuspinde ng SC
- Madel Moratillo
- Oct 6, 2019
- 1 min read

Sinuspinde ng Supreme Court (SC) ang anti-bobo crusader na si Atty. Larry Gadon. Sa resolusyon ng Supreme Court 2nd Division na may petsang Hunyo 26, 2019, tatlong buwan na suspensiyon ang ipinataw laban kay Gadon.
Ang suspensiyon kay Gadon ay dahil sa paglabag sa 8.01, Canon 8 ng Code of Professional Responsibility na nagbabawal sa mga abogado sa paggamit ng mga mapang-abuso o offensive na lengguwahe sa kanyang pag-akto bilang abogado.
Naglabas din ang SC ng babala kay Gadon na kung uulit ito ay maaari syang patawan ng mas mabigat na parusa.
Nag-ugat ito sa disbarment case na inihain ng dermatologist na si Helen Joselina Mendoza laban kay Gadon noong 2009.
Tinawag umanong ‘very stupid’ ni Gadon ang mga liham ni Mendoza at sinabi pang aabutin ng 10 taon ang paghahain ng legal suit.
Para sa SC, mali ang ginawa ni Gadon dahil tinuya nito ang legal system.
“Atty. Gadon’s remarks about the slow justice system and insinuations that cases are won based on abundance of resources, tramp the integrity and dignity of the legal profession and the judicial system, and adversely reflect on his fitness to practice law,” pahayag ng SC.
Giit naman ni Gadon, maghahain siya ng motion for reconsideration sa SC at hindi pa rin umano naipapatupad ang nasabing suspensiyon.
“I will file an MR. It is not yet implemented. If it was implemented, then it has already lapsed,” pahayag ni Gadon.
Si Gadon ang matatandaang nanguna sa impeachment case laban sa napatalsik na si dating Chief Justice Ma. Lourdes Sereno.





Comments