7 days ng Maternity leave ni misis, puwedeng ilipat at ipagamit sa tatay ng anak
- Buti Na Lang May SSS
- Oct 6, 2019
- 2 min read
BUTI NA LANG MAY SSS
Dear SSS,
Mayroon kaming empleyado na manganganak at plano niyang ibigay ang 7 days ng kanyang 105 maternity leave sa kanyang asawa. Babawasan ba ng 7 days o buong 105 days pa rin ang ibibigay namin sa kanya na maternity reimbursement? Maraming salamat. —Brave Heart
Sagot
Ang babayaran ng SSS ay 98 days na lamang dahil ibabawas sa 105 days ang 7 days na ibibigay ng babaeng miyembro sa kanyang asawa. Kaya ang ia-advance ng kanyang employer ay katumbas ng 98 days na maternity benefit.
Bilang paalala sa mga miyembrong babae tungkol sa Expanded Maternity Leave Law, maaari ninyong ilipat ang maximum na pitong araw ng inyong 105 days maternity leave sa tatay ng inyong anak, kasal man sila o hindi. Ngunit, dapat abisuhan ang inyong employer na mag-a-avail kayo ng option to allocate o ilipat ang pitong araw ng inyong 105 days maternity leave sa tatay ng inyong anak. Gayundin, dapat abisuhan ng inyong asawa ang kanyang employer hinggil sa availment ng leave na ito.
Samantala, ang alokasyong ito ay hindi applicable sa nakunan o nagkaroon ng emergency termination of pregnancy.
Nawa’y nasagot namin ang inyong katanungan.
◘◘◘
Dear SSS,
Namatay ang brother-in-law ko. Nais kong malaman kung paano makukuha ng asawa niya ang funeral grant kung ang kumpanya niya ang nagbayad ng funeral service? — Ms. E.
Sagot
Nais naming ipaalala na ang binabayaran ng SSS tungkol sa funeral grant ay kung sino ang nagbayad ng pagpapalibing sa miyembro. Subalit, maaari niyang i-claim ang funeral grant ng namayapa niyang asawa. Dapat magbigay ang kumpanya ng kanyang asawa ng waiver na nagpapatunay na hindi sila magke-claim ng funeral grant. Dapat ding maibigay sa kanya ang orihinal na kopya ng resibo sa pagpapalibing o certified photocopy nito mula sa nasabing kumpanya.
Bukod sa funeral grant, maaari rin siyang mag-file ng death benefit claim ng kanyang asawa. Magtungo lamang siya sa pinakamalapit na sangay ng SSS at isumite ang mga sumusunod: Napunan na Death Claim Application Form, claimant’s photo and signature form, sinumpaang-salaysay, SSS Form CLD-1.3A o Affidavit of Death Benefit, certified true copy ng death certificate ng kanyang asawa, certified true copy ng marriage contract at 2 valid IDs.
Nawa’y nasagot namin ang inyong katanungan.
◘◘◘
Nais nating ipaalam sa mga retiree pensioners na bukas ang Pension Loan Program ng SSS para sa inyong panandaliang pangangailangang pampinansiyal. Inaanyayahan natin ang mga pensiyunado na nais mag-avail ng Pension Loan Program na magsadya sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS sa kanilang lugar.
Kung mayroon man kayong mga katanungan tungkol sa SSS o mayroon kayong topic na nais matalakay sa kolum na ito, maaari ninyo kaming i-email sa mediaaffairs@sss.gov.ph.





Comments