Tikas ng Voyagers, nagbalik Iloilo at Navotas, nanalasa

Parehong naasahan sa scoring sina Axel Inigo at Jaypee Belencion habang kinontrol ni Dhon Reverente ang boards nang manaig ang Pasay Voyagers kontra Quezon City Capitals, 92-89 noong Huwebes ng gabi sa Maharlika Pilipinas Basketball League Lakan Season sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Nagpakawala sina Inigo at Belencion ng tig- 22 puntos habang si Reverente ay may 18 points at 20 rebounds nang palakasin ang Voyagers sa markang 11-6 panalo-talo sa North division ng 31-team league.
Si Inigo ang bumanat ng pamatay na huling dalawang free throws sa huling 6 segundo ng final count. Sinikap pa ni Aaron Black na isampa sa overtime pero sumablay ang kanyang 3 points shot jumper, makaraan ang 2 segundo para sa ikatlong sunod na talo sa 6-10 slate.
Ang iba pang Voyagers na umiskor ay sina Elmar Moradas na may 13 puntos at Raymond Ilagan sa 10 puntos at 12 rebounds. Sa unang mga laro, ginapi ng Iloilo United Royals at Navotas Uni-Pak Sardines ang kani-kanilang katunggali.
Sumandal naman sa dating pro player na si Al Francis Tamsi at Aaron Jeruta ang Royals upang talunin ang Pampanga Giant Lanterns, 76-70 habang ang Navotas ay tinalo ang Mindoro Tamaraws, 72-57.
May tig-8 puntos sina Tamsi at Jeruta sa 4th quarter nang lumamang ang Iloilo, 61-53 sa South Division. Sa kabila ng pagkatalo, nakaungos pa rin ang Lanters sa Royals na may 10-6 card.
Sa pagposte ng 18 puntos at 5 rebounds, si Tamsi ang naging best player.
May 17 puntos si John Dexter Maiquez sa Lantern, 13 si Michael Juico at 12 kay Reil Cervantes.





Comments