Tigresses Spikers, kumumpleto ng sweep sa UAAP Beach volley

Nakumpleto ng reigning women’s champion University of Santo Tomas ang elimination round sweep ng UAAP Season 82 Beach Volleyball tournament sa Sands SM By The Bay.
Iginupo ng Tigresses na sina Babylove Barbon at Gen Eslapor ang pareha nina Tin Tiamzon at Justine Jazareno ng De La Salle, 21-16, 21-18, upang makopo ang top ranking sa Final Four makaraang tumapos na may 7-0 perpektong marka.
Nagtapos ang Lady Spikers na may kartadang 6-1 na nagbaba sa kanila sa ikalawang puwesto na may kaakibat ding insentibong twice-to-beat sa semis gaya ng UST.
Makasasagupa nila ang no.3 team Far Eastern University Lady Tamaraws na tumapos na may 5-2 kartada. Umusad na pang-apat at makatatapat ng UST Tigresses ang Ateneo pair nina Ponggay Gaston at Roma Mae Doromal na namayani sa nakaharap na Adamson University tandem nina Kring Uy at Chen Ave, 21-17, 21-19, para tumapos na may barahang 4-3.
Samantala sa men’s division, inangkin ng University of Santo Tomas tandem nina Jaron Requinton at Rancel Varga ang unang finals slot makaraang manaig sa pareha nina Leo Miranda at Jesus Valdez ng Adamson, 21-12, 21-15 sa semifinals.
Ang isa pang semifinal match sa pagitan ng Far Eastern University at National University na ipinatigil sanhi ng ulan na may kasamang kulog at kidlat ay ipagpapatuloy ngayong araw na ito bago simulan ang Final Four ng women’s division.





Comments