top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

Red Lions. no. 1 na pagpasok sa final 4

A. Servinio
Oct 5, 2019
2 min read

Patuloy ang arangkada ng defending champion San Beda University at nasa 16 na ang kanilang sunod-sunod na panalo sa 95th National Collegiate Athletic Association (NCAA). Ang Mapua University ang pinakabagong biktima ng Red Lions, 83-55 kahapon sa FilOil Flying V Centre at nasigurado na nila ang numero unong pwesto papasok sa Final Four.

Kung dikit ang una nilang pagtagpo, 69-60, noong Setyembre 6 sa Cuneta Astrodome, ibang Red Lions ang dumating at pinakita agad ang lakas sa likod nina James Canlas Kwekuteye, Evan Nelle, Donald Tankoua at Calvin Oftana na pumasok bilang reserba sa ikalawang sunod na araw.

Nakasabay ang Cardinals sa unang quarter, 15-12, subalit nag-iba ang timpla nang ipinasok ni Coach Boyet Fernandez si Oftana na gumawa agad ng 9 na puntos para itayo ang 38-28 na kalamangan sa pagtapos ng 2nd quarter, 38-28.

Tuluyang bumigay ang Mapua sa depensa ng San Beda at 9 na puntos lang ang nagawa sa 3rd quarter. Ito ang hudyat para kay Canlas Kwekuteye na mamuno sa paglayo ng Red Lions at tinapos niya ang laro na may 16 puntos at 10 rebounds. Nagtala ng 15 puntos at 7 rebound si Oftana. Malaking bagay din ang 14 puntos at walong assist ni Nelle.

Sa unang laro, ginulo ng Perpetual Help Altas ang pangarap ng Saint Benilde na makapasok sa Final 4 matapos talunin, 85-83. Sinubukan ng Blazers humabol sa huling minuto pero kinapos sila nang magmintis ang 3 ni Prince Carlos huling busina.

Pinasok ni Kim Aurin ang 16 sa 29 puntos sa 3rd quarter kung saan binaligtad ng Altas ang 33-44 na pagkalugmok noong halftime at maagaw ang lamang, 62-60. Humakot ng 11 rebound si Aurin at sinuportahan nina Jielo Razon na may 15 puntos at Rey Anthony Peralta na may 11 para umakyat sa kartadang 4-10 habang bumagsak ang Blazers sa 6-8.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page