top of page
TALKIES - MARIEL, PROUD NA TRUE FRIENDS SINA TONI, RUFFA, MARJORIE AT CAMILLE VILLAR_IG _m

Deadline sa utang, puwedeng ma-extend pero hindi puwedeng takbuhan lalo’t may kasunduan

  • Dr. Persida V. Rueda-Acosta
  • Oct 5, 2019
  • 2 min read

Dear Chief Acosta,

Umutang ako dahil nagkaproblemang-pinansiyal ang aming pamilya at hindi ko nabayaran ang balanse ng utang ko at mayroon kaming kasunduan para rito. Ngayon, nakatanggap ako ng sulat ng paniningil, pero wala akong planong talikuran ang balanse ko, ang gusto ko lang ay mabigyan ako ng kaunting palugit dahil mayroon akong inaasahang matatanggap na pera sa susunod na buwan. Sakaling kasuhan ako, maaari ba akong lumapit sa inyong tanggapan para sa tulong-legal? — Venice

Dear Venice,

Nabanggit mo sa iyong sulat na pumasok ka sa kasunduan, partikular na ang kasunduan ng pangungutang. Dahil dito, naitali mo ang iyong sarili na tumalima sa mga probisyon ng inyong kasunduan, partikular na ang pagtupad sa pagbabayad ng halaga ng iyong inutang, pati ng interest kung ito ay inyong napagkasunduan din, sa panahon na kapwa ninyo itinakda ng taong pinagkakautangan mo. Alinsunod sa ating New Civil Code:

“Art. 1306. A contract is a meeting of minds between two persons whereby one binds himself, with respect to the other, to give something or to render some service.”

Nabanggit mo na bagama’t, nagkaroon ka ng pinansiyal na problema ay mayroon kang inaasahan na darating na pambayad sa susunod na buwan. Kaugnay nito, maaari mong imungkahi o hilingin sa taong pinagkakautangan mo na bigyan ka ng palugit. Gayunman, mainam na magtakda ka ng partikular na petsa kung kailan ka siguradong makatatalima sa iyong obligasyon na magbayad upang tanggapin niya ang iyong mungkahi at lubusan kang mabigyan ng palugit.

Kung sang-ayon ang taong pinag­kakautangan mo na amyendahan ang petsa ng iyong pagbabayad ay iminumungkahi nating magkaroon kayo ng kasunduan kaugnay sa palugit na kanyang ibinigay. Tandaan, kinikilala ng ating batas ang kakayahan ng mga partido na magkasundo sa mga probisyon at/o kondisyon ng kanilang kontrata. Malinaw na nakasaad sa Article 1306 ng ating New Civil Code:

“Art. 1306. The contracting parties may establish such stipulations, clauses, terms and conditions as they may deem convenient, provided they are not contrary to law, morals, good customs, public order, or public policy.”

Sakali naman na hindi siya sang-ayon at pinili niyang maghain ng asunto laban sa iyo, maaari kang magsadya sa sangay ng aming tanggapan upang mabigyan ng legal na payo at/o tulong, alinsunod sa batas at mga alituntunin ng aming tanggapan. Karaniwang matatagpuan ang aming district offices sa loob o malapit sa munisipyo, kapitolyo, city hall o hall of justice ng bawat bayan, siyudad o probinsiya.

Nawa ay nasagot namin ang inyong katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.

Maraming salamat sa patuloy ninyong pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page