top of page
TEKA NGA - MARIEL, KUMALAT NA TATAKBONG SENADOR, NILAIT NG NETIZENS_IG _marieltpadilla.jpe

Babala sa mga mahilig mag-online shopping: Fake delivery, nagkalat!

Ryan B. Sison
Oct 5, 2019
2 min read

Boses ni Ryan B. Sison

Mabilis na nag-viral sa Facebook ang post ng netizen sa tangkang pang-i-scam sa kanya gamit ang pangalan ng sikat na online shopping site.

Kuwento ng netizen, matagal na siyang hindi nag-o-online shopping kaya laking-gulat niya nang may nag-text sa kanya na nagpakilalang delivery staff at hinihingi ang kanyang pangalan, address at ID.

Dagdag pa ng netizen, galit pa ang delivery boy nang tanungin niya kung nasaan ito at bakit walang impormasyon sa package.

At nang tanungin kung ano ang item at magkano, takang-taka siya dahil vacuum na nagkakahalagang P12,000 ang umano’y order niya.

Sinabihan niyang babalikan na lang ito dahil wala pa siya sa bahay at humirit ang delivery boy na kung wala siyang pambayad ay hulug-hulugan na lang ang item.

Sa puntong ‘yun, sigurado na umano siyang modus ang ginagawa nito.

Ngayong ber months, usung-uso na naman ang online shopping kaya paalala sa mga gumagamit nito, maging maingat sa mga transaksiyon at kung may nag-text o tumawag para sa delivery, i-check muna ang account para makumpirma kung tama ang item na ide-deliver sa inyo.

Huwag kayong mahiyang tanungin kung ano ang laman ng package dahil karapatan n’yo ‘yun bilang kostumer.

At maging maingat sa personal na impormasyon, lalo na ngayong madali itong makuha at magamit sa masamang gawain.

Gayundin, magbilin sa mga kasama sa bahay na huwag basta tumanggap ng package at maglabas ng pera hangga’t hindi nakukumpirma kung may nakatakdang delivery.

Panawagan sa kinauukulan, dapat turuan ng leksiyon ang mga ganitong tao, lalo na ngayong dumarami na naman ang modus ng mga kawatan.

Para sa mga masasamang-loob na nanlalamang ng kapwa para kumita ng pera, mahiya naman kayo!

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page