Amer ng Bolts, pinanis ang Aces
- ATD
- Oct 5, 2019
- 2 min read

Ibinaon ng Meralco Bolts ang Alaska Aces, 101-75, upang mapaganda ng bahagya ang kanilang karta sa PBA Governor’s Cup kagabi sa Mall of Asia Arena, Pasay City. Nagtulungan sa opensa sina reinforcement Allen Durham at local Baser Amer upang ilista ang 2-1 karta ng Bolts at ipalasap sa Aces ang pang-apat na sunod na talo.
Tumikada si Amer ng 27 points habang 25 ang inambag ni Durham para sa Meralco. Bokya pa rin ang Alaska sa panalo. Nakalamang ang Aces sa first canto, 22-20 pero napakawalan nila ito sa second quarter. Humablot ang Bolts ng 23-15 sa pangalawang yugto para maagaw ang bandera, 43-37, sa halftime.
Nagpatuloy ang pananalasa ng Meralco sa third period, umalagwa sa 11 ang kanilang bentahe, 72-61, papasok ng fourth. Lalong dinurog ng Bolts ang Aces sa 4th quarter matapos tambakan ng 30 puntos. Samantala, target ng TNT KaTropa na manatili sa top spot pagharap nila sa Columbian Dyip ngayong ala-6:45 ng gabi sa Ynares Center-Antipolo. Sisikapin ng KaTropa na siluin ang malinis na apat na panalo kaya inaasahang muli nilang kakapitan ang kanilang import na si KJ McDaniels na tumikada ng 32 points, 8 rebounds at 6 na assists nang talunin nila ang Phoenix FuelMasters, 123-118 sa kanilang huling laro. Subalit sa kabila ng kanilang panalo ay hindi pa rin na impress si head coach Bong Ravena. “We gave away 118 points, wala kaming tataluning malakas na team kapag ganyan,” pahayag ni Ravena.
Bukod kay McDaniels, huhugot ng lakas si Ravena kina Troy Rosario, Roger Pogoy at Jayson Castro na mga nagtala ng tig-32, 22 at 20 markers ayon sa pagkakahilera. Tiyak na papalagan sila ng Dyip dahil galing din sila sa panalo.
Ipinagmamalaki ng Columbian ang kanilang super rookie na si CJ Perez kasama sina Rashawn McCarthy at import Khapri Alston. Magkakaldagan sa unang laro ang Blackwater Elite at NorthPort Batang Pier sa 4:30 p.m.





Comments