‘Pinas, unang nagwagi vs. Vietnam sa Grand Prix

Pinatunayan ng Philippine National Volleyball Team na handang-handa na ito para sa darating na 30th Southeast Asian Games matapos walisin ang koponan ng Vietnam, 25-21, 25-23 at 25-21 para kunin ang unang panalo sa pagsisimula ng 2nd leg ng ASEAN Volleyball Grand Prix sa Sta. Rosa Multi-Purpose Gym sa Sta. Rosa Laguna kahapon.
Nagtala ng tatlong double digit score mula sa nagbabalik na nagka-ankle injury na si Alyssa Valdez sa 14 puntos habang sina Mylene Paat at Ces Molina ay may tig-13 puntos para pangunahan ang matinding atake ng Pilipinas at blangkuhin ang Vietnam sa 3-day event na bahagi rin ng Volleyball test event ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC).
Bukod sa mainit na atake ng Pilipinas ay ipinamalas rin ng koponan ang mahigpit na depensa sa 13 blocks ni ASEAN GP opening leg best middle blocker Majoy Baron sa blocks habang si floor defender Dawn Macandili ang naka-22-out-of-31 digs. Si setter Jiah Morado ay may 17-excellent sets.
Kinapos ang 14 points ni Hoang Thi Kieu Trinh para sa Vietnam para sa ikalawang sunod na talo sa Pilipinas.
Hindi nakapaglaro sina Fil-Hawaiian Kalei Mau na may injury at Fil-Am Alohi Robbins-Hardy na pinalitan nina returning players Grethcel Soltones at Jasmine Nabor, habang kinumpleto ang line up nina Jovelyn Gonzaga, Eyha Laure, Maddie Madayag, PSL stars Roselyn Doria at Kath Arado.
Matatandaang sa unang pagtatapat ng dalawang koponan sa 1st leg ng ASEAN GP ay pinamunuan ito ni Mylene Paat na may 22 points sa 14 spikes, 4 blocks at 4 aces, habang nagdagdag si Kalei Mau ng 16 points kabilang na ang game-winner, habang sina Majoy Baron at Ces Molina ay nagtulong para sa 27 puntos at 10 blocks para sa bronze medal.
Sunod na makakalaban ng national team ang powerhouse Thailand ngayong Sabado ng 5 p.m., habang susubukang rumesbak laban sa 5-setter loss vs. Indonesia sa 1st leg bukas sa second game ng 5 p.m.





Comments