top of page

Sanhi at lunas sa Dysmenorrhea

  • Dr. Shane Ludovice, M.D.
  • Oct 4, 2019
  • 2 min read

Dear Doc. Shane, Madalas na iniinda ng anak ko ang kanyang dysmenorrhea. Naaawa ako sa kanya dahil namimilipit talaga siya sa sakit kaya ipinagpapaliban ko na lang siya sa pagpasok sa school. Nakapagtataka dahil hindi naman ako nakaranas nito kahit noong dalaga pa lang ako. Mayroon ba kaming puwedeng gawin upang maiwasan niya ito? — Minerva

Sagot Ang dysmenorrhea o ‘menstrual cramps’ ay nangyayari habang may buwanang dalaw ang babae. Ang pangunahing sanhi ng menstrual cramps ay ang paninikip ng matris (uterus) dahil sa kemikal na prostaglandin na dahilan ng pananakit ng mga bahaging nakapalibot sa balakang at lower abdomen. Ito rin ay maaaring magdulot ng pananakit ng likod, pagtatae at pagsusuka.

Madalas itong nararanasan sa pagsisimula ng kanilang regla at maaaring tumagal ang mga sintomas nito nang tatlong araw.

Ang pangunahing sintomas ng dysmenorrhea ay ang pananakit ng balakang o gilid ng tiyan. Maaari ring maramdaman ang pananakit sa mga hita o sa ibaba ng likod.

Narito ang iba pang sintomas ng dysmenorrhea:

  • Pagsusuka

  • Pagsakit ng ulo

  • Pagkahilo

  • Pagiging sensitibo sa ilaw, tunog at amoy

  • Pagkahimatay

  • Panghihina

  • Pagtatae

Ang mga sintomas ay maaaring tumagal hanggang matapos ang regla ng babae.

Ang dysmenorrhea ay maaaring primary o secondary depende sa sanhi nito. Kung ito ay dulot ng umiiral na kondisyon, ito ay secondary dysmenorrhea. Ngunit kapag ito ay naganap nang walang nauugnay na kondisyon, ito ay primary dysmenorrhea.

Narito ang ilan sa mga sanhi ng secondary dysmenorrhea:

  • Endometriosis

  • Adenomyosis

  • Cervical stenosis

  • Fibroids

  • Pelvic inflammatory disease

Ayon sa mga eksperto, humihina ang pananakit na dulot ng dysmenorrhea habang tumatanda ang babae. Ito rin ay maaaring tumigil at hindi na bumalik pagkatapos ng panganganak.

Ang pag-inom ng non-steroidal anti-inflammatory drugs at pain reliever o analgesics ay epektibong panggamot sa dysmenorrhea. Ang pag-inom din ng hormonal birth control pills ay makatutulong din upang mapigilan ang paninikip ng matris. Mainam din ang paggamit ng heat pads o hot compress sa apektadong bahagi ng katawan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page