Naabusong mister o ka-live-in, may ‘K’ nang magreklamo kapag nasaktan ng babae
- Ryan B. Sison
- Oct 4, 2019
- 2 min read

Inihain sa Kamara ang panukalang-batas na magbibigay ng proteksiyon sa mga mister at miyembro ng LGBT community sa abusive relationships.
Isinusulong ni Rizal 2nd District Rep. Juan Fidel Felipe Nograles ang House Bill 4888 na amyendahan ang Anti-Violence Against Women and their Children Act na lawakan ang sakop nito sa mga dumaranas ng karahasan sa kanilang partner dahil kailangang protektahan ang lahat ng uri ng kasarian at relasyon na biktima ng pang-aabuso.
Sa ilalim ng Anti-Violence Against Partners and their Children Act, hindi lang abused husbands kundi pati abused members ng LGBT ang poproteksiyunan at bukod sa pisikal na pang-aabuso, sakop din nito ang psychological at electronic violence, partikular sa cyber bullying, paninira sa social media at paggawa ng fake account para manira.
Gayundin, sakop din ng panukala ang mga biktima ng pang-aabuso na may intimate relationship kahit hindi pa kasal.
Paliwanag ni Nograles, may mga mister din na biktima ng pang-aabuso, pero dedma na lang dahil hindi umano pantay ang batas.
Hindi natin maitatanggi na maraming misis ang nakaranas at patuloy na dumaranas ng iba’t ibang uri ng pang-aabuso, pero hirit ng mga mister, may mga lalaki ring naaabuso at nasasaktan din ang kanilang damdamin kaya sana, maging patas ang batas.
Walang sinuman ang dapat makaranas ng karahasan sa relasyon dahil pumapasok dito ang tao para magmahal at hindi para makaranas ng iba’t ibang uri ng pananakit at pang-aabuso.
Dahil dito, maraming naniniwala na panahon na para buksan ang isipan at magkaroon ng batas na magpoprotekta sa mga taong naaabuso, anuman ang kanilang kasarian.
Kaya tanging panawagan sa mga kinauukulan, pakinggan din ang panig ng kalalakihan dahil silang mga nakararanas ng pang-aabuso ay tao rin at nasasaktan!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments