top of page
WINNER - MACHONG CHISMISAN HOSTS, KAKASUHAN NG NBI SA PANLALAIT KAY JOSHUA_FB Circulated.j

Ahensiyang mag-iimbestiga sa mga sakuna, solusyon para bawas-aksidente

Grace Poe
Oct 4, 2019
3 min read

Kumusta, mga bes? Nawa’y ligtas tayong lahat sa ating araw-araw na pagbiyahe, motorista o pasahero man.

Ngunit, hindi lamang mga motorista at mananakay ang exposed sa mga aksidente sa daan dahil kahit ang mga nag-aabang sa kalye ng masasakyan o ‘yung mga simpleng nagpapahinga lamang sa labas ng kanilang bahay ay nadadamay din sa mga aksidente sa kalsada.

Walang pinipiling lugar at panahon ang aksidente. Alam n’yo ba na sa bawat limang minutong lumilipas ay may nangyayaring aksidente sa mga kalsada ng Kalakhang Maynila?

Ito ay ayon sa Metro Manila Accident and Recording Analysis System ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nakapagtala ng 116,906 aksidente sa daan noong 2018. Katumbas ito ng 320 sakuna bawat araw o 13 aksidente kada oras.

Sa pag-aaral na isinagawa ng University of the Philippines noong 2015, tinatayang P3.47 milyong halaga ng ari-arian at productivity ang nasasayang sa aksidente sa daan.

Hindi malalagyan ng presyo ang buhay na nawala dahil sa aksidente. May 394 katao ang nasawi noong 2018 dahil sa aksidente sa daan. Hindi pa kabilang dito ang mga aksidente sa riles, dagat, at himpapawid.

Nakapanghihinayang isipin na maaaring naiwasan ang karamihan ng mga aksidente, pero mahirap umiwas kung hindi tukoy ang sanhi ng mga ito.

At mahirap tukuyin ang ugat nito kung wala tayong ahensiyang humahawak sa imbestigasyon.

Bilang chairperson ng Senate Committee on Public Services, isinusulong natin ang panukalang pagbuo ng National Transportation Safety Board (NTSB) na naglalayong tutukan ang mga usapin tungkol sa kaligtasan sa daan.

Ang panukalang pagbuo ng NTSB sa ilalim ng Senate Bill No. 1077 o “National Transportation Safety Board Act” ay nakapaloob sa Committee Report No. 8 na inaprubahan ng tatlong komite: Public Services; Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation at Finance.

Ito ay consolidation ng magkahiwalay na panukala na aking iniakda (Senate Bill No. 125) at ni Sen. Ramon “Bong” Revilla, Jr. (Senate Bill No. 651) na naglalayong bumuo ng NTSB.

Panahon na, mga bes, para magkaroon ng ahensiya na tututok sa pag-iimbestiga sa mga aksidente sa transportasyon upang mapadali ang pagtukoy sa sanhi nito.

Sa panukalang SBN 1077, ang NTSB ay magkakaroon ng orihinal na hurisdiksiyon sa pag-iimbestiga sa mga aksidente, pero maaari ring magsagawa ang ibang ahensiya ng gobyerno ng kanilang sariling pagsusuri.

Ang resulta ng imbestigasyon ay isusumite sa Kongreso sa loob ng 60 araw matapos itong makumpleto.

Magagamit ang resulta ng pag-aaral ng NTSB para i-assess ang kasalukuyang gawain at regulasyon ng gobyerno tungkol sa safety measures at upang maiwasan ang mga aksidente sa hinaharap.

Kabilang sa mandato nito ang pagsisiguro na ang mga nagpapatakbo ng transportasyon, pampubliko man o pribado ay susunod sa safety standards, magsasagawa ng pag-aaral sa kaligtasan sa daan at maghahain ng solusyon sa mga problema.

Bibigyan natin ng sapat na mandato ang NTSB. Halimbawa, “visitorial power” para makapasok sila sa lugar ng aksidente at maaari rin nilang suriin ang anumang parte ng motor vehicle, vessel, aircraft o pipeline na naging sanhi ng sakuna.

Halimbawa, may lumang bus na nawalan ng preno at hindi maganda ang maintenance nito, tapos ang nag-iimbestiga ay ‘yun din ang nagbigay ng permit sa bus para makapagbiyahe, ito ‘yung Land Transportation Office (LTO). Kung ang LTO ang mag-iimbestiga, siyempre, mahihirapan tayong siguraduhing walang conflict of interest.

Nais nating magkaroon ang NTSB ng pinakamahusay na mga opisyal, imbestigador at espesyalista na kayang tumugon agad tuwing may sakuna.

Nakasisiguro tayong makapagliligtas ng buhay ang pagbuo ng NTSB. Hindi ‘yung kung kailan may aksidente, saka lang tayo kikilos.

Naniniwala tayong ang NTSB ay magsisilbing-daan para sa ligtas na pagbiyahe ng mga Pinoy.

Hanggang sa muli, mga bes, mag-ingat tayong lahat!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page