Hindi lang dahil maliit ang suweldo... Iba't ibang dahilan ng pagre-resign ng empleyado

Sa hirap ng buhay ngayon, matinding kayod sa trabaho ang kailangan nating gawin para magkaroon ng makakain, araw-araw. Ngunit, sa kabila ng matinding kahirapan, napakarami ring mahuhusay at matatalinong empleyado na mas pinipiling bumitaw sa trabaho kahit naging parte na ito ng kalahati ng kanilang buhay.
Ayon sa senior writer ng website na CIO.com na si Sharon Florentine, sobrang nakaka-toxic ang mawalan ng mahusay na empleyadong napakalaki ng naiambag dahil nakaaapekto ito sa morale ng kumpanya. Gayundin, apektado ang mga natitirang empleyado dahil madaragdagan ang workloads nila.
Dagdag pa ni Florentine, kailangan ding alamin ng management ang pinakaugat ng pag-alis ng mga empleyado nang sa gayun ay hindi na ito maulit.
1. Hindi magandang management. Ayon sa marketer ng Weekdone na si Kulli Koort, hindi pangunahing dahilan sa pag-alis ng empleyado ang maliit na suweldo lalo na kung passion nila ang kanilang ginagawa. Sabi ng vice-president ng JPMorgan Chase na si Wendy Duarte Duckrey, “most people don’t quit their jobs; they quit their management.”
Sinundan ito ng mga dahilang lack of career growth at kakulangan sa appreciation, recognition at executive action para iwanan nila ang kumpanya.
2. Destructive Criticism. Makabubuti sa employee-employer relationships ang pagbibigay ng feedback nang sa gayun ay maramdaman ng mga empleyado na handang makinig sa kanila ang pamunuan ng kumpanya.
Tandaan, magkaiba ang constructive at destructive criticism. Ang madalas na destructive criticism ay nagbibigay ng 100% chance para manghina kahit ang pinaka-strong na empleyado.
3. Magbigay ng motibasyon sa mga empleyado. Bilang nakatataas sa kumpanya, kailangan din nating tanggapin na tao rin ang mga empleyado natin. Mas madalas nating ma-recall ang unpleasant memories kumpara sa mga positibong bagay sa ating buhay.
Kahit sabihing hindi dapat dalhin ang problema sa bahay sa ating trabaho, hindi ito maiiwasan. Kaya minsan, kailangan din nating i-motivate ang ating mga empleyado.
Sey ng mga expert, malaki ang magagawa ng pagiging open sa bawat empleyado. Sa ganitong paraan, mas makikilala natin nang mas malalim ang bawat isa.
4. Huwag balewalain ang ugali ng mga empleyado. Ayon sa author na si Joseph Burgo, hindi maiiwasan ang pagkakaroon ng mga empleyadong mahilig mangmaliit ng kapwa empleyado, gayundin ang mga mahihilig magkalat o gumawa ng kung anu-anong isyu.
Kaya payo ni Michael Kerr, international business speaker, hindi dapat i-tolerate ang mga toxic na empleyado dahil kung babalewalain ang mga tulad nila, kahit ang performance ng ibang pinakamagagaling ay siguradong maaapektuhan din.
Kung umaalis ang mga empleyado, nangangahulugan itong mayroong problema sa kumpanya na kailangang solusyunan.
Ayon kay Rachel Green, director ng The Emotional Intelligence Institute, napakaliit ng tsansa na sabihin o ipagtapat ng ordinaryong empleyado ang problemang nararanasan nila sa trabaho dahil iniisip nilang walang mangyayari kahit sabihin nila ito at kung minsan, sila pa ang lalabas na mali.
Aniya, kung hindi uunawain, pakikinggan at aaksiyunan ang problemang kinahaharap ng bawat empleyado, hindi malabong piliin nilang manahimik at umalis nang hindi sinasabi ang tunay na dahilan. Sabi nga, nawala na ang asset, nawala pa ang tiwala.
Gets mo?





Comments