Empleyado ng city hall, lasog sa tren

Basag ang bungo at nagkalasug-lasog ang katawan ng isang empleyado ng Manila City Hall makaraang makaladkad nang mahagip ng rumaragasang tren ng Philippine National Railways (PNR), kahapon ng umaga sa Tondo, Manila.
Kinilala ang nasawi na si Florante Aguilar, 54, nakatalaga sa City Engineering Department at residente ng Tondo, Manila habang ang driver ng tren ay kinilalang si Enrique Valdivia.
Ayon kay PCpl. Marvin Lais, alas-6:12 ng umaga nang mangyari ang insidente sa Batangas St. sa kahabaan ng PNR Compound, Bgy. 228, Tondo.
Sa kuha ng CCTV ng barangay, nakitang naglalakad ang biktima sa naturang lugar nang mahagip ng tren na may body no. AMU 08, patungong southbound.
Nabatid na bumili lamang ang biktima ng pandesal at tumawid umano sa riles kung saan ito nasagasaan at pumailalim sa tren saka nakaladkad nang may 80 metro.
Umapela naman kay Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso ang misis ng biktima na si Anna na sana ay bigyan ng tulong ang biktima na may 20 taon nang naglilingkod sa city hall. Sinabi rin ni Anna na dapat panagutan ng PNR ang sinapit ng mister sa paniniwalang may pagkukulang ito dahil hindi man lang umano bumusina para nakaiwas sana ang kanyang mister.





Comments