top of page
Pokwang.jpg

Del Rosario at Uy, kumikikig pa sa TPGA

Eddie M. Paez, Jr.
Oct 3, 2019
1 min read

Nagsimula sa magkakaibang direksyon ang kampanya ng Pinay golfers na nag-ambisyong ibigay sa Pilipinas ang pangalawang titulo sa loob ng dalawang linggo pagkatapos ng tagumpay ni Tony Lascuna sa Nanbao TPGA nang magbukas ang 2019 Party Golfers Ladies Open sa palaruan ng National Golf Country Club ng Yuanli Township, Miaoli County, Taiwan.

Pinangunahan ni Pauline Del Rosario, tatlong beses na nagkampeon sa Ladies Philippine Golf Tour Order of Merit, ang atake ng bansa sa kompetisyon nang magsumite ito ng even par 72 na kartada sa tulong ng dalawang birdies sa huling dalawang butas bilang pangontra sa isang bogey sa front nine. Bagamat ito ay limang strokes ang layo sa tumatrangko, maganda pa ang tsansa nitong makaakyat sa trono at sundan ang nagawa ni Lascuna sa Tainan, Taiwan ilang araw pa lang ang nakararaan. Ang iskor din ni Del Rosario ay isang palo lang ang agwat sa nakakapit sa pangwalong puwesto.

Matatandaang sariwa pa ang pag-akyat ng 48-taong-gulang na pambato ng Davao na si Lascuna sa trono ng malupit na Nanbao TPGA Open matapos ipagpag ang hamon hanggang sa huling dalawang butas ng torneo ng mga young Turks mula sa Thailand at sa punong-abala kahit na napag-iwanan ito pagkatapos ng round 1.

Puwede pa ring magmarka si Daniella Uy dahil ang iskor niya ay dalawang palo lang ang layo sa likod ni Del Rosario. Ang dalawa rin ay maganda ang tsansang mag-qualify sa huling round kung saan top 50 lang ang puwedeng maglaro. Tatlo pang Pinay, sina Cyna Rodriguez (76), Channelle Avaricio (76) at Marvi Monsalve (79) ay namimiligrong umuwi nang maaga dahil sa matamlay na iskor.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page