top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

40 taong propesor sa UP, nakakabilib ang istayl sa pagtuturo ng kasaysayan

  • Kuya Win Gatchalian
  • Oct 3, 2019
  • 2 min read

Ang pangatlo sa apat na guro na kabilang sa 2019 Metrobank Foundation Outstanding Filipinos ay si Professor Ricardo T. Jose, PhD.

“Napag-alaman ko na napakarami nating maaaring maipagmalaki, ngunit, maaaring hindi natin ito alam o wala tayong kahit anong kamalayan tungkol dito.”

Para kay Prof. Jose, wala nang makagbibigay sa kanya ng kaligayahan kundi ang maibahagi sa kanyang mga mag-aaral ang lahat ng kanyang mga natutunan sa larangan ng Social Science at Pilosopiya.

Agad naging parte ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman History Department pagkatapos kunin ang kursong Kasaysayan sa nasabing paaralan noong 1978, si Prof. Jose, Professor 12 ay isa sa mga pinakamagaling at epektibong propesor ng UP sa kasalukuyan.

Mahigit 40 taon nang binubuhay ni Prof. Jose ang kasaysayan para sa kanyang mag-aaral at kapwa iskolar sa pamamagitan ng pagdala ng makasaysayang artifacts tulad ng mga helmet, raid siren at litrato sa kanyang klase upang makuha ang interes at maengganyo ang kanyang mga estudyante.

Kaya lubos na nakabibilib na napangalagaan niya ang kanyang mga pribadong koleksiyon at matagumpay na naibabahagi ang mga bagay na maraming taon ng pagsasaliksik tulad ng diplomatiko at militaryang kasaysayan ng Pilipinas, kolonya ng Amerika sa Pilipinas at ang pakikipag-isa ng Pilipinas at Japan.

Bilang manunulat ng kasaysayan, gumawa siya ng iba’t ibang literatura tungkol sa pag-aaral ng World War II o Ikalawang Digmaang Pandaigdig na magiging kapaki-pakinabang sa ating bansa sa mga susunod na taon. Kabilang dito ang “The Philippine Army,” “The Japanese Occupation of the Philippines” at “The Philippines Under Japan” kung saan siya ang natatanging Pinoy sa grupo na nagsulat nito.

Bukod dito, si Prof. Jose rin ang nasa likod ng pagpapatibay ng mga kursong Kasaysayan sa UP sa lebel ng mga undergraduate at graduate.

Mula pa noong 1996, siya lamang ang propesor na nagtuturo ng “Japanese Occupation of the Philippines,” “History of the Commonwealth of the Philippines,” “Diplomatic History of the Philippines” at “Special Topics on Philippine Military History.”

Naniniwala si Prof. Jose na ang kamalayan sa kasaysayan ng bansa at buong mundo ay malaking hakbang upang maipagmalaki natin ito at magkaroon ng pagkakaisa sa ating lipunan.

Kaya naman, hindi kataka-takang siya ay pinarangalan ng UP Diliman College of Social Sciences and Philosophy Student Council bilang “Natatanging Guro,” hindi lamang isa kundi dalawang beses.

Para sa kanya, masusukat ang kalidad ng pagtuturo ng guro base sa pagtukoy nito sa kanyang mga mag-aaral.

Ito ang dahilan na masasabi nating tunay na kahanga-hanga ang kanyang pagmamahal at dedikasyon sa kasaysayan dahil nakikita ito sa kanyang mga tinuturuan.

Congratulations pong muli, Dr. Ricardo T. Jose, tinaguriang Philippines’ Foremost World War II Historian!

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page