top of page
FRANKLY - LEA, TODO-BILIB NA WINNER PA RIN ANG FORGOTTEN ISLAND KAHIT NAG-FLOP _IG _msleas

139 bills, naisulat sa loob ng PNP custodial center

Bong Revilla
Oct 3, 2019
2 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!

Huling gabi bago tayo sumuko sa Camp Crame Custodial Center noong Hunyo 20, 2014, ang naaalala ko ay nasa bahay namin ako sa Bacoor City, sabay-sabay kaming kumakain ng aking buong pamilya at pilit kong binabalikan ang mga pangyayari kung bakit humantong sa ganito ang lahat.

Hindi ako masyadong nakakain at hinarap ko ang aking laptop dahil noong mga oras na ‘yun ay hindi pa ako nakagagawa ng kolum ko sa BULGAR (sa pahayagang ito) na may titulong IDOL KO SI KAP.

Ang pagsusulat ang isa sa pinakahilig kong gawin dahil dito ay naihihinga ko ang mga bagay-bagay lalo pa at may kinalaman sa sambayanan ang aking tinatalakay.

Pero alam n’yo bang hindi naisumite sa BULGAR ang huli kong isinulat dahil kinabukasan ay sumuko ako at halos lahat ng atensiyon ay sa akin nakatuon at buo ang aking desisyon na harapin ang kasong alam kong hindi naman totoo?

Matapos ang proseso sa Camp Crame, agad akong nakipag-usap sa mga opisyal ng Custodial Center na kung maaari ay payagan akong magsulat upang may komunikasyon ako sa aking mga tagasubaybay.

Ngunit hindi nila ako pinayagang magpasok ng laptop o cellphone sa kulungan na lalong nagpalungkot sa aking kalagayan. Ngunit, sa pamamagitan ng ballpen at papel ay napakarami kong naisulat na panukalang-batas na naipon ko sa loob ng apat na taon at anim na buwan.

Para hindi ako malungkot, ginawa kong libangan ang pagsusulat at nagsilbing inspirasyon ang ating mga kababayan kaya nakaipon tayo ng napakaraming panukalang-batas na aking ipinangako noong nagdaang kampanya.

Kaya nang ako ay maipawalan-sala ng Sandiganbayan dahil napatunayang gawa-gawa lamang ang isinampang kaso sa akin ay nakalaya ako noong Disyembre 7, 2018, nangampanya kahit gahol na sa panahon at muling nahalal na senador.

Kaya pag-upo ko sa Senado, agad akong nagtrabaho dahil sa rami ng nais kong gawin na sa pakiramdam ko ay ninakaw sa akin at hindi ko nagawa dahil ako ay nakulong.

So, hataw agad ako kaya umabot ng 139 bills ang naisumite ko at 6 na resolusyon at marami pa akong inihahanda na karamihan ay sa loob ng piitan ko isinulat na ginawa kong pantanggal-inip.

Kaya hanggang sa aking pag-iisa, kayo pa rin ang aking naiisip at ngayon ay muli akong binigyan ng BULGAR ng pagkakataong magsulat na buong-puso kong ipinagpapasalamat.

Bakit ANAK NG TETENG! ang titulo ng kolum, wala kasi itong tiyak na ibig sabihin, puwedeng masama, puwedeng mabuti o natutuwa — ang mahalaga ay maalala n’yo ako sa tuwing maririnig ninyo ito.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page