Sa ayaw at sa gusto ng drayber at operator.. Lumang dyip, babu na sa Hunyo 2020!
Kitang-kita ang impluwensiya ng mga komunista noong Lunes sa transport strike. Nangunguna sa strike ang grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (PISTON) na alam nating lahat na kaalyado ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).
Tulad ng CPP-NPA, humihina na rin ang suporta ng taumbayan sa mga grupong akala mo lehitimo, pero may politika pala sa likod ng kanilang adhikain.
Kung babasahin natin ang mga comment sa social media tungkol sa isyu, karamihan ng netizens ay minumura ang grupong PISTON dahil sa gulo na kanilang ginawa.
Mayroon ding ilang nagkomento na estilong bulok na raw ang grupo, wala naman daw nahihirapan kundi sila rin.
Hindi lahat ng drayber ay sumama sa strike at ‘yung may kotse ay nasiyahan naman kasi lumuwag nang kaunti ang mga kalsada. Matagumpay din ang ginawang “tigas-kamay” ng gobyerno sa welgang ito.
Nagpalabas ng mga bus at iba pang sasakyan ang mga awtoridad para mabigyan ng libreng sakay ang mga naipit na komyuter.
Kinokontra ng mga welgista ang matagal nang programa ng gobyerno na Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program kung saan ang mga bus, jeepney, taxi at iba pang pampublikong sasakyan ay papalitan ng modernong unit.
Sa ilalim nito, ang mga PUV na 15 taon pataas ay kailangan nang palitan. Isang dekada na ang programang ito, pero sumeryoso lang ang implementasyon nang pumasok ang administrasyong Duterte.
Bakit kailangan ng modernisasyon? Dahil ang mga lumang sasakyan ay naglalabas ng polusyon na hindi lang nakasisira ng ating kalikasan kundi nakapagdudulot din ng sakit tulad ng lung cancer.
Delikado ring gamitin ang mga lumang PUV, maraming aksidente ang nangyayari. Nariyan ang isyu na mabagal ang takbo, overloading at limitadong bilang ng pasahero na naisasakay ng mga lumang behikulo.
Ayon sa LTFRB, humigit-kulang 18,000 PUV units ang sumunod na sa programa kabilang ang 5,000 units ng mga jeepney.
Sa Hunyo 2020 ang deadline sa pagsunod sa bagong regulasyon ng LTFRB. Kapag hindi pa rin sumunod ang mga operator sa bagong regulasyon, kukumpiskahin ang kanilang prangkisa.
Sa mga drayber naman na hindi nagpalit ng unit ay kukunin ang kanilang lisensiya. Malupit na kung malupit pero ito ang dapat gawin para sumunod ang lahat sa batas.
Kasama sa programa ang pag-phaseout ng mga jeepney, pero mas magandang sasakyan ang ipapalit sa mga ito. Malaki ang tsansa na lumuwag ang daloy ng mga sasakyan kapag bago na ang mga sasakyan.
Inihahanda na ng gobyerno ang programa para maging magaan ang pagbili ng mga operators ng mga modernong jeepney.
Nariyan ang subsidy o tulong-pinansiyal na ibibigay ng Kongreso, magbibigay din ng mababang interest rate ang DBP kung kailangan ng loan.
Sa kasalukuyan, ang presyo ng mga modernong jeepney ay P1 M hanggang P2 milyon. Pero depende pa rin kung may aircon ang unit at kung may dagdag pang accessories tulad ng CCTV camera, GPS at iba pa.
May ilang drayber ang natatakot kapag nakita ang presyo ng bagong jeepney. Pero kung magtatayo sila ng kooperatiba ay mas madali nilang makukuha ang mga modernong sasakyan.
Sa mga bigtime operator, panahon na para mag-invest kayo sa mga bagong unit para na rin sa kapakanan ng inyong mga drayber at pasahero.





Comments