top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Raket na recycled drugs, nabulgar.. PNP Chief Albayalde, inilaglag sa ‘ninja cops’

  • Mylene Alfonso
  • Oct 2, 2019
  • 3 min read

Pinangalanan ni dating Criminal Investigation and Detention Group chief at incumbent Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang mga opisyal ng pulisya na umano’y sangkot sa drug recycling sa Pampanga noong 2013.

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon at Justice Committee, ibinunyag ni Magalong na inutusan siya noon ni dating Philippine National Police Chief Alan Purisima para imbestigahan ang mga police officers sa Pampanga.

“Sabi niya sa akin, ‘Benjie, imbestigahan mo nga ito. Just recently may operation sa Pampanga 30 kilos ng shabu. Biglang nagkaroon ng sasakyan nang sabay-sabay,” ani Magalong.

Kabilang sa mga iniimbestigahan sina Superintendent Rodney Raymundo Baloyo IV; Senior Inspector Joven de Guzman, Jr.; Senior Police Officer 1 Jules Maniago; Senior Police Officer 1 Donald Roque; Senior Police Officer 1 Ronald Santos; Senior Police Officer 1 Rommel Vital; Senior Police Officer 1 Alcindor Tinio; Senior Police Officer 1 Eligio Valeroso; Police Officer 3 Dindo Dizon; Police Officer 3 Gilbert de Vera; Police Officer 3 Romeo Guerrero, Jr.; Police Officer 3 Dante Dizon at Police Officer 2 Anthony Lacsamana.

Ang naturang mga police officers ay nagsagawa ng buy-bust operation noong 2013, pawang mga miyembro ng anti-illegal drugs special operation task force ng Pampanga provincial police office.

Sa report, nakakumpiska umano ang mga ito ng 38 kilograms ng shabu at P10 million cash ngunit, base sa imbestigasyon at reenactment ay aabot sa 200 kilograms ng shabu ang nakumpiska.

Iba rin umano ang Chinese drug lord na ipinrisinta ng Pampanga Police sa media. Batay sa report na isinumite ng grupo, isang high profile suspect na Johnson Lee ang naaresto nila. Gayunman, napag-alaman ni Magalong na nagbayad ng P50 milyon ang totoong Johnson Lee para makalaya.

November 2014, nagkaroon na ng desisyon na matanggal sa serbisyo ang 13 pulis. Pero, hindi ito naipatupad sa halip ay noong October 17, 2017 ay may inilabas na desisyon ang pamunuan ng PNP na nagde-demote lang sa mga ito.

Pinangungunahan ang mga ito ni Baloyo habang si PNP Chief Gen. Oscar Albayalde naman ang noo’y provincial director na ini-relieve sa puwesto matapos ang insidente.

Samantala, nilinaw ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino na wala siyang ideya sa dismissal order ng 13 pulis-Pampanga.

Iginisa ng mga senador si Aquino na dating acting director ng Police Regional Office 3. Sinabi kasi nito na ni-reassign niya sa Mindaao ang mga inaakusahang pulis.

Nabatid na ang kanyang predecessor na si dating acting Regional Director Gen. Raul Petrasanta ang lumagda ng dismissal order kaya iniutos umano nito ang pagpapa-review sa kaso.

Hindi rin umano ipinatupad ng pinalitan ni Aquino na si dating PNP Region-3 Director Gen. Amador Corpus ang dismissal order at sa halip ay idinemote lamang ang mga pulis.

Nilinaw naman ni Albayalde na March 14, 2016, inihain ng mga akusado ang kanilang motion for reconsideration.

Ilang buwan bago na-appoint bilang regional director si Aquino ng Hunyo ng parehong taon.

Pero, iginiit ni Magalong na ginipit umano ni Albayalde si Aquino para hindi ipatupad ang dismissal order.

Kinuwestiyon naman ni Albayalde ang motibo ni Magalong sa pag-ungkat sa isinagawang drug operations.

Giit ni Albayalde, hindi niya alam kung anong personal na galit sa kanya ni Magalong para ilabas pa ito sa Senado matapos ang anim na taon.

Aniya, sana ay ginawan ito ng aksiyon ni Magalong noong siya pa ang provincial director at hindi ngayong siya ang hepe ng Pambansang Pulisya.

Muli ring binigyang-diin ni Albayalde na patuloy ang matinding internal cleansing sa kapulisan para masawata ang sinasabing ninja cops sa kanilang hanay.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page