NAASCU Q’Finals: Gitgitan na sa playoff series
- A. Servinio
- Oct 2, 2019
- 2 min read

Buo na ang quarterfinals ng 19th National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) matapos burahin ng New Era University, De La Salle Araneta, Our Lady of Fatima at Philippine Christian ang kanilang mga kalaro noong Lunes sa Marikina Sports Center. Sasamahan na nila ang nauna nang defending champion Saint Clare College of Caloocan, Saint Francis of Assisi, Enderun Colleges at Philippine Merchant Marine School sa mga hiwalay na serye na magsisimula ngayong Miyerkules sa Caloocan Sports Complex.
Unang pumasok ang New Era nang talunin ang AMA, 61-52, sa likod ng muntikang triple double ni Jeff Comia na 12 puntos, 11 rebounds at 9 assist. Namuno para sa Hunters si John Akindele na may 13 puntos at 11 rebounds habang nagdagdag ng 10 puntos, 9 na rebounds at 6 assist si Clyde Reyes at 10 puntos din galing kay Nemesis dela Cruz.
Iniangat ni Julius Felix LoRenzo ang DLSAU kontra sa Technological University of the Philippines, 81-75, sa likod ng dalawang tres sa last quarter para magtapos na may 15 puntos. Nanguna sa Stallions si Henry Iloka na may 31 puntos at 28 rebound. Bumida muli si Mark Edison Ordonez para sa PCU upang pabagsakin ang Manuel L. Quezon University, 84-75, sa bisa ng 13 ng 29 puntos sa last quarter kasama ang 5 rebounds, 5 assist at 2 steals. Tinulungan siya nina Raymond Ranzel Casajeros na may 21 puntos at 8 rebounds habang may 11 puntos at 12 rebounds si Kenneth Sumalacay.
Samantala, tinambakan ng Our Lady of Fatima ang Holy Angel University, 81-51. Sisimulan ng Saint Clare ang pormal na pagtanggol sa korona kontra sa DLSAU. Ang iba pang mga pares sa quarterfinals ay ang Saint Francis laban sa New Era, PMMS kontra OLFU at ang subukan ng Enderun at PCU kung saan lahat ng mga unang binanggit na paaralan ay taglay ang twice-to-beat advantage.





Comments