Ilang lumaya sa GCTA, wanted; 1 balik-kulungan, patay naman
- BULGAR

- Oct 2, 2019
- 1 min read
Tuloy ang pagtugis sa mga heinous crime convict na nakalaya dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law.
Sa datos ng Department of Justice (DOJ), 19 pang convicts na nakinabang sa GCTA ang hindi pa hawak ng mga awtoridad. Ayon sa ahensiya, naisumite na nila sa Department of Interior and Local Government (DILG) ang pangalan ng mga ito.
Muli ring sinuri ang listahan ng halos 2,000 inmates na nakalaya dahil sa GCTA makaraang matuklasan na nakasama ang ilang preso na napawalansala at napagkalooban ng conditional pardon.
Samantala, kinumpirma naman ni Justice Secretary Menardo Guevarra na may namatay nga mula sa mga sumuko kamakailan. Ito ay matapos tanungin ng isang senador kung mayroon pang naroon na mga sumurender na hindi na dapat nandu’n.
Agad na kinumpirma ng kalihim na namatay ang isang Nicomedes Fabro, 54-anyos nitong Setyembre 28, matapos umanong makaramdam ng paninikip ng dibdib. Nabatid na nakulong si Fabro nang 32 taon at pinalaya noong Hulyo 8, 2019 ngunit, sumuko, kamakailan nang maglabas ng ultimatum si Pangulong Rodrigo Duterte matapos ang kontrobersiyal na ‘GCTA for sale’.
Isa ito sa pinangangambahan ng mga laya na pero nagsisuko, ganundin ng kanilang pamilya, lalo na silang mga may edad na o may sakit.
Kaya panawagan sa mga awtoridad, pabilisin ang proseso sa pagpapalaya ng mga PDL (person deprived of liberty), partikular ang mga hindi kabilang sa heinous crime. Nabatid na sumobra sa mahigit 300 ang mga sumuko bagama’t, una nang pinalaya ang 87 sa kanila.
Palayain ang mga karapat-dapat nang lumaya at tugisin ang mga dapat pang pagdusahan ang ginawang kasalanan.





Comments