HD Spikers, Sweep sa Pool A ng Superliga

Mabilisang tinalo ng Cignal HD Spikers ang Sta. Lucia, 25-18, 25-23, 25-14, upang makumpleto ang pagwalis ng panalo sa Pool A ng Philippine Superliga Invitational Conference kahapon sa Sta. Rosa Multi-purpose Sports Complex sa Laguna.
Malakas pa rin ang koneksiyo ng HD Spikers nang umiskor ng 3-set win makaraang dominahin ang Lady Realtors sa loob ng 80 minuto at manatiling perpekto ang tatlong laro. Gumana rin ang tikas ni national team member Mylene Paat sa bisa ng 12 points at 9 kills, habang si Rachel Anne Daquis ay may 10 points at 16 digs para palakasin sa semis bid ang HD Spikers. Bumanat si Alohi Robins-Hardy sa team na may 14 excellent sets habang si Jheck Dionela ay may 17 digs at 8 excellent receptions.
Matapos mawalis ang 3-0 start, ayon kay Cignal skipper Daquis, hindi sila papayag na matalo kasama na ang Petron, PLDT at Marinerang Pilipina sa Pool C para sa next round, kung saan ang top 2 squads ay aabante sa knockout semifinals. “We can’t be complacent because every game is important in this short conference,” ayon kay Daquis, na namuno para makaresbak sa 16-22 na pagkaiwan.
Nakuha ng Cignal ang momentum at naging mainit ang laro sa 3rd set, 21-8 hanggang sa hindi na ito lumingon pa.
Si Pam Lastimosa ang nag-iisang Lady Realtors na umiskor ng dobleng pigura para sa Sta. Lucia, na may dalawa nang sunod na talo makaraan ang opening-day na panalo vs. Foton. Ang Lady Realtors ay igugrupo sa Pool D kasama ang F2 Logistics, Generika-Ayala at Foton.





Comments