top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

10 libong bagong kukuning pulis, tiyaking hindi next ninja cops

  • Korina Sanchez
  • Oct 2, 2019
  • 2 min read

Kung napansin ninyong maluwag ang trapik sa ilang pangunahing kalsada sa Metro Manila noong Lunes, ito ay dahil natuloy ang protesta ng mga PUVs.

Modernisasyon ng jeepney ang dahilan ng protesta dahil ang nais ng gobyero ay i-phaseout ang mga jeepney na 15 taon na pataas para sumunod sa Euro-4 na sukatan ang mga jeepney sa 2020. Ang Euro-4 ay mas malinis ang diesel para mabawasan ang polusyon ng sasakyan.

Sa kabila nito, mataas ang presyo ng mga bagong jeepney at kapag natuloy ito, siguradong mawawalan ng hanapbuhay ang mga hindi makabibili ng Euro-4 dahil milyones ang halaga nito.

Gayunman, handa raw magbigay ng tulong-pinansiyal ang gobyerno, pero kung sakaling matuloy ang phaseout ng mga lumang jeepney, libu-libo umano ang maaapektuhan nito.

Ilang buwan na lang, 2020 na kaya kung ipipilit talaga ng gobyerno ang moderni­sasyon, kawawa naman ang mga hindi makabibili ng modernong jeepney.

◘◘◘

Ayon kay DILG Sec. Eduardo Año, kailangan daw ng 10,000 bagong pulis ng Philippine National Police (PNP). Inutusan ang Napolcom at PNP na maging mahigpit sa pagkuha ng mga recruits.

“Let’s raise the bar and be stringent as we are potentially taking in individuals who are either going to be heroes or bad eggs. We should uphold the highest standard possible”, ayon kay Sec. Año.

Sa pag-recruit ng mga bagong pulis, dapat masalang mabuti ang mga ito. Dapat may tunay na pagmamahal sa bayan para matapos na ang walang katapusang paglilinis sa kanilang hanay.

May paraan kaya ang PNP o Napolcom para malaman kung magiging mabuti ang mga bagong recruit? Marami riyan ang may matataas na hangarin para sa bayan, may tunay na malasakit para sa tao, pero nakakain pa rin ng masamang sistema ang ilang kapulisan kaya nagiging tiwali at ‘yan ay dahil nasilaw daw sa pera.

Sa totoo lang, parang hindi nakatulong ang dobleng suweldo ng mga pulis sa pagsugpo ng katiwalian tulad ng usap-usapang ninja cops o ‘yung mga tiwaling pulis na nagre-recycle o nagbebenta ng mga nakukumpis­kang ilegal na droga sa merkado.

Malaki pa ang kailangang gawin ng PNP para linisin ang sariling hanay. Dapat bago pumasok ay alam na kung serbisyo o pansarili lang ang hangarin.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page