‘Wag nang hintaying mag-100 yrs. old.. 75-anyos, bigyan na ng cash gift

Ipinatatakda sa edad na 75 sa halip na hintayin pa na abutin ng 100 taong gulang ang mga nakatatanda na makatatanggap ng cash gift.
Layon ng House Bill 4895 ni ACT-CIS Partylist Rep. Eric Go Yap na amyendahan ang Section 2 ng Republic Act 10868 o Centenarian Law.
Katwiran ni Yap, kahit nasa edad 60 pa lamang ay nahihirapan na ang mga senior citizens na makakuha ng pambili ng mga gamot at iba pang pangangailangan, lalo na kung walang suporta o pensiyon mula sa gobyerno.
Hindi man aniya malaking halaga ang cash gift para sa mga senior citizens ay makatutulong pa rin ito sa kanila.
Sakaling maisabatas, makatatanggap ng P20,000 cash gift ang senior citizen na sasapit sa edad 75 at karagdagang P20,000 kada limang taon hanggang sa umabot siya ng edad 100.
Pagsapit ng ika-100 taon ay makatatanggap din ng P100,000 ang senior citizen alinsunod sa itinatakda ng batas. Binigyang-diin ni Yap na nararapat lang na mabigyan ng dignidad ang mga nakatatanda dahil sa kanilang mga naiambag sa lipunan.





Comments