Protesta wa’ epek daw.. 1 week tigil-pasada!
- M. Alfonso / G. Pleñago
- Oct 1, 2019
- 2 min read

Kasabay ng malawakang tigil-pasada, nagbanta ang mga transport group na kapag hindi pinakinggan ang kanilang mga hinaing, gagawin nilang isang linggo ang susunod na nationwide transport strike.
Ilang jeepney drivers at operators mula sa iba’t ibang grupo ang lumahok kahapon sa malawakang tigil-pasada para ihayag ang kanilang pagtutol sa planong phaseout ng mga jeepney at UV Express sa susunod na taon.
Ayon kay Efren de Luna, pangulo ng Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO), nasa 200,000 drivers at operators o 90 porsiyento ang lumahok sa tigil-pasada.
Kasama rin ang mga grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (Piston) at Stop and GO sa mga nakiisa sa tigil-pasada. Lumahok din ang ilang tsuper sa Calabarzon, Pampanga, Pangasinan at Bacolod City.
Sa Lungsod ng Baguio, sa halip na tigil-pasada, nagmartsa ang mga driver mula Sunshine Park hanggang sa tanggapan ng lokal na Department of Transportation para ihayag ang pagtutol sa PUV modernization.
May ibang grupo naman tulad ng UPKKJODA ang nakiisa sa transport strike pero, kalaunan ay bumalik din sa pamamasada.
Sa panayam, nilinaw ni De Luna na hindi sila tutol sa modernisasyon ng PUV kundi sa ilang requirements tulad ng malaking pautang na hindi kayang bayaran ng mga tsuper at operator. Bukas din umano ang mga transport group na makipagdayalogo sa tanggapan ni Pangulong Rodrigo Duterte
Samantala, minaliit ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang epekto ng tigil-pasada sa Metro Manila.
Ayon sa DOTr, may mga jeepney drivers at operators na nagprotesta sa Welcome Rotonda, Aurora Blvd. kanto ng EDSA, Commonwealth – Philcoa at Elliptical Road – Kalayaan pero, mula umaga hanggang bago magtanghali ay walang naitalang stranded na pasahero. Nakatulong din umano ang mga bus na itinalaga para magbigay ng libreng sakay sa mga pasahero.





Comments