Mahigpit ang laban sa MVP nina Chabi yo at Kouame

Dikdikan ang laban sa pagitan ng mga foreign center ng UST at Ateneo na sina center Soulemane Chabi Yo at Angelo Kouame para sa Most Valuable Player honors matapos ang unang round ng UAAP Season 82 Men’s Basketball Tournament. Sa natipon nilang mga puntos matapos ang unang pitong laban, nangunguna si Chabi Yo na may 82.71 statistical points (SPs) at hindi nalalayo si Kouame na may 81.43 SPs.
Nagposte si Chabi Yo na nasa unang taon sa liga ng average na 19.86 puntos at 15.29 rebounds sa loob ng 32 minuto kada laro upang pamunuan ang UST sa pagtatapos na may 4-3 kartada sa first round. Para kay Kouame, sa nagdaang Season 81 Rookie of the Year, may average siyang 14 puntos, 13.14 rebounds at 4.86 blocks kada laro sa loob ng 25 minuto upang pamunuan ang Blue Eagles sa pagwawalis ng unang round. Pumapangatlo ang reigning MVP na si Bright Akhuetie ng UP na mayroon lang 69 SPs na sinundan ng kakamping si Kobe Paras, ang nag-iisang homegrown talent na pumasok sa top 5 sa natipong 65.2 SPs. Pumang-lima si Alex Diakhite ng UE ( 64.83 SPs).
Kasama sa hanay ng mga nangungunang 10 kandidato sina UE hotshot Rey Suerte (62.29 SPs) ang magkakamping sina Jamie Malonzo (61.5 SPs) at Justine Baltazar (58.57 SPs) ng De La Salle University, Thirdy Ravena (57.71 SPs) ng Ateneo at Lenda Douanga (56.86 SPs) ng Adamson University.





Comments