Kakaiba ang style sa 41 taong pagtuturo ng kasaysayan, may ‘K’ talagang parangalan
- Kuya Win Gatchalian
- Oct 1, 2019
- 2 min read

Ang pangalawa sa apat na guro na kabilang sa 2019 Metrobank Foundation Outstanding Filipinos ay si Teacher Cristina B. Cristobal, PhD. Siya ay Special Science Teacher 5 na nagtuturo ng paksang Social Studies sa mga mag-aaral ng Philippine Science High School (PSHS) - Main Campus sa Quezon City.
Para kay Teacher Cristina, nais niyang siya ay maalala bilang guro ng mga estudyante ng Kasaysayan ng Pilipinas na nagpamulat sa kanilang mga mata tungkol sa maganda at malalim na kuwento ng ating bansa.
Isang guro na nagturo sa kanila na sulitin at mahalin ang kasaysayan.
Para sa kanya, ang kasaysayan ay higit pa sa pagkolekta ng mga kaalaman. Ito ay isang paksa kung saan kumokonekta ang mga pangyayari ng kasalukuyan at ng nakaraan.
Labis niyang hangad na maintindihan ng kanyang klase ang ating lipunan, mas magkaroon ng kamalayan at maging aktibo sa mga isyu at suliranin na kinahaharap natin ngayon — dahil ito ay magdudulot ng mabuti at responsableng pagkamamamayan.
Sa 41 taong pagtuturo ni Teacher Cristina bilang Social Science teacher, napakahusay ng malikhain niyang paraan ng pagtuturo rito.
Sa halip na ipasaulo niya ang kaliwa’t kanang nilalaman ng aklat, ang kanyang estilo ay bigyang-oportunidad ang kanyang Grade 7 students ng PSHS na pag-aralan ang mga dokumento, suriin ang mga datos at gumawa ng mga makasaysayang salaysay.
Ibig sabihin, kailangan nilang mag-interview o maghanap ng iba’t ibang lumang materyales at impormasyon upang malaman ang mga istorya ng pamilya ng ating mga ninuno na lumaban sa giyera at marami pang iba.
Bukod dito, siya rin ang nasa likod ng programang “Pisay Teach” kung saan kanyang sinasanay ang mga magsisipagtapos na college students na kumukuha ng kursong Education na maging mahusay sa kanilang magiging propesyon.
Ngayon, nagpatuloy ang nasabing teacher-training program sa pangalang “Buklod Guro” na tumututok sa mga gurong Islam sa Mindanao.
Sa programang ito, ipinadadala ang mga boluntaryong guro sa mga madaris o paaralang Islam upang magbigay ng mga training sa mga guro at administrasyon ng mga paaralan.
Si Teacher Cristina ang nangangasiwa ng tatlong parte ng pagsasanay — pagtuturo ng mga estratehiya, mentoring at demo teaching.
Mula 2017, patuloy at matagumpay ang pagbibigay nito ng mga training sa mga gurong nakabase sa Davao, Cotabato, Maguindanao, Zamboanga del Sur, Basilan, Tawi-Tawi at Sulu.
Kung titingnan natin ang takbo ng kanyang karera, hindi maiiwasan ang paghanga sa kanyang dedikasyon at pagmamahal sa ating bansa hanggang sa punto na nais niya itong maibahagi sa mga kabataang Pinoy.
Dahil dito, hindi maikakaila ang personal na pamamaraan ng kanyang pagtuturo na karapat-dapat lamang na ipagmalaki sa buong mundo.
Congratulations pong muli, Dr. Cristina B. Cristobal, tinaguriang Quezon City’s Veteran Innovator in History Instruction!
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments