Guce, may ibubuga sa LPGA; Ardina, matamlay ang palo
- Eddie M. Paez, Jr.
- Oct 1, 2019
- 1 min read

Kinapos ng isang stroke si Clarisse Guce ng Pilipinas sa pagtatangkang makapasok sa unang sampu pero naiposte niya ang pinakamakinang na laro ngayong 2019 nang makuha ang pang-12 posisyon sa pagsasara ng 2019 Ladies Professional Golf Association (LPGA) - Indy Women Intech Championships sa Indianapolis. Kumartada si Guce, anak ng dating sikat na hinete ng bansa ng impresibong 9-under-par 279 pagkatapos ng 4 rounds na bakbakan (71-68-69-71) para sa unang top 15 finish niya ngayong taong ito. Ang isinukong iskor ay sapat na para sa gantimpalang USD 33,573.
Ang torneo rin ay nagsilbing pang-siyam na paligsahan ni Guce, isang LPGA Rookie na unang mahilig sa larong golf sa edad na 9, kung saan nakapasok siya sa weekend play (nakaiwas sa “missed cut” na resulta at napauwi ng maaga dahil sa dami ng palong kinailangan para makapagpapasok ng bola sa butas).
Bago sumalang sa torneo, kasama sa mga naging milestones ng golfing career ng 5’2" na Pinay ay ang pagiging 2014 Big West Player of the Year sa California State Northridge bilang amateur, limang top 10 performances sa Symmetra Golf Tour noong 2018, dalawang Symmetra titles noong 2016 at ang pagiging 15th placer sa inagural na sikad ng LPGA Qualifying Series noong 2018.
Isa pang Pinay, si Dottie Ardina, markado ng Symmetra Tour na personalidad ay sumabak din sa tunggalian sa Indianapolis pero matamlay ang naging laro at nakapag-uwi lang ito ng 2-over-par na 146 strokes na rekord pagkatapos ng dalawang rounds kaya maaga siyang pinauwi ng mga nangangasiwa sa labanan ng mga pangunahing professional lady golfers mula sa iba’t-ibang parte ng daigdig.





Comments