Cyberbullying, dahilan ng pagpapakamatay ng ilang biktima
- Bong Revilla
- Oct 1, 2019
- 2 min read

Bong Revilla / Anak ng Teteng!
Ganito na ba kalupit ang mundo? Daig pa natin ngayon ang mga tao noong unang panahon na kapag sumigaw ng “Ipako sa krus” ay sabay-sabay kang kokondenahin hanggang sa ikaw ay tuluyang ipako o pagtutulung-tulungan kang batuhin hanggang sa mamatay.
Kahit binago na tayo ng teknolohiya, tila hindi nabago ang karahasan ng mga tao na higit pang lumawak at lumakas na ang dati ay ordinaryong sigaw lamang, pero ngayon ay umaalingawngaw na sa buong daigdig ang napakaikling mensahe.
Tulad na lamang ng nangyari sa isang estudyante ng Unibersidad ng Pilipinas na si Ignacio ‘Nacho’ Domingo na nagpatiwakal dahil sa cyber bullying.
Si Nacho ay apo ni PAGCOR Chairman Andrea Domingo, councilor sa UP student council at kaanib ng Sigma Rho Fraternity, isang Law Fraternity na isa sa pinanggagalingan ng mga mahuhusay na abogado.
Ibig sabihin, sayang si 'Nacho' na hindi nakapagbigay ng paliwanag matapos isangkot sa pagkamatay ng frat member dahil sa hazing at mula noon ay hindi na siya tinantanan ng mga nambu-bully sa kanya sa social media.
At parang noong unang panahon na hindi siya tinantanan sa kung anu-anong sinasabi at ang ending, natagpuan si Nacho na wala nang buhay sa loob ng kanilang tahanan, ganap na alas-2:00 ng hapon noong nakaraang Setyembre 28.
Ganitung-ganito halos ang nangyari sa akin, kinasuhan ako sa kasalanang hindi ko ginawa at nakulong ako ng apat na taon at anim na buwan sa Camp Crame Custodial Center.
Hindi pa sila nakuntento, bumuo pa sila ng grupo ng mga trolls o bayarang walang ginawa kundi ang siraan at wasakin ako sa social media.
Tinangka naming habulin ang mga trolls ngunit, wala kahit isa sa kanila ang may totoong account kaya halos pare-pareho ang mga komento nila, lalo na noong panahon ng kampanya.
Ang pagkakaiba ko lamang ay marami ang nagmamahal sa akin tulad ng mga supporters. Nand’yan din ang aking mga anak na halinhinan akong sinasamahan at higit sa lahat ay ang aking asawa na kapag may pagkakataon ay sa selda ko mismo natutulog.
Sila ang pinakinggan ko kesa patulan ang mga nambu-bully sa social media at kung mahina ang suporta ko sa pamilya ko, baka nagpatiwakal na rin ako.
Kaya sa tulong ng panalangin at pagmamahal ng aking pamilya ay napawalan-sala ako ng Sandiganbayan at sinabing imbento lamang ang isinampang kaso sa akin kaya heto muli at tinanggap ako ng tao at muli ay naglilingkod sa inyo bilang senador.
Delikado ang cyberbullying — ito ay pumapatay at nakamamatay dahil hindi lahat ay mapalad na tulad ko na pinatibay ng mga nakapaligid na nagmamahal.
Paano kung pinanghinaan din ako ng loob, hindi ko siguro nahintay ang desisyon ng Sandiganbayan na wala akong kasalanan?
Sayang si 'Nacho', pinatay ng mga bully sa social media.
Anak ng Teteng!




Comments