Mga iskuwater sa gilid ng ilog, bigyan muna ng bahay bago linisin ang San Juan City River
- Ryan B. Sison
- Sep 30, 2019
- 2 min read

Bago simulan ang rehabilitasyon ng San Juan City River, planong unahin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang paggiba ng mga tahanan ng informal settler sa paligid ng naturang ilog. Aalisin ang mga bahay na nakadikit sa pampang ng ilog, gayundin ang mga basurang palutang-lutang dito.
Bagama’t, maraming natuwa sa hakbang na ito, pumalag ang ilang residente roon dahil sa pangambang walang matirahan.
Ayon kay Environment Sec. Roy Cimatu, lumala na ang sitwasyon ng mga ilog dahil sa naipong mga basura at target umano nilang simulan ang paglilipat sa mga informal settler ngayong taon.
Dalawang kumpanya ang nangakong tutulong sa rehabilitasyon habang ang DENR ang maglilinis ng lugar at magtatanggal ng basura rito.
Giit ng mga residente, hindi nila alam kung saan sila pupulutin dahil walang sinabi ang kagawaran kung saan sila ililipat.
Ayon naman sa DENR, hinihintay pa nila ang ulat ng National Housing Authority (NHA) kung ilan ang maaapektuhang pamilya sa demolisyon at kung saan ililipat ang mga ito.
Sa totoo lang, magiging madali ang rehabilitasyon ng naturang ilog kung paaalisin ang mga nakatira sa paligid nito, pero sana, tugunan din ang pangangailangan ng mga residenteng mapapaalis.
Gayundin, kung sisimulan ngayong taon ang pagpapaalis sa mga residente, sana, gawin ding prayoridad ang malilipatan ng mga ito.
Kung wala silang lilipatan, malamang, sa kalye sila maninirahan at kapag nangyari ito, mataas ang tsansa na dumami pa ang mga basura sa ating paligid.
Hindi pa man tiyak kung saan sila ililipat, panawagan sa mga residente, huwag kayong pasaway at manatili sa lugar na ilalaan sa inyo ng pamahalaan.
At pakiusap sa gobyerno, huwag simulan ang demolisyon hangga’t walang tiyak na lilipatan ang mga residente dahil kung paaalisin lang sila nang basta-basta, panibagong problema na naman ito.
‘Ika nga, lutasin ang problema at huwag nang dagdagan pa!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments