Serrano, pinambangga ng DLSU; Tigresses at Lady Tams, mabangis

Pinadapa ng De La Salle University ang University of Santo Tomas, 92-77, para sa kinakailangan nilang bounce back win kahapon sa UAAP Season 82 Men’s Basketball Tournament sa MOA Arena sa Pasay City.
Sa pamumuno ng sophomore na si Encho Serrano katuwang ang beteranong si Aljun Melecio tinapos ng Green Archers ang first round na may 3-4, panalo-talong kartada.
Kontrolado ng Green Archers halos ang kabuuan ng laro maliban na lang sa huling bahagi ng 3rd canto kung saan nakadikit pa ang Tigers at naibaba sa apat ang kanilang bentahe, 50-54 sa pamumuno ni Rhenz Abando, may 4 na minuto ang nalalabi bago ang 4th quarter.
Ngunit hindi nagpabaya si Serrano na nagpasiklab ng 15-8 blast upang muling palobohin ang bentahe ng Archers sa 69-58, sa huling 9 na minuto ng laro.
Samantala, umarangkada sa second half ang University of Santo Tomas upang padapain ang De La Salle, 76-47 at tapusin ang unang round sa pamamagitan ng 3-game winning run kahapon sa UAAP Season 82 Women’s Basketball Tournament sa MOA Arena sa Pasay.
Nangunang muli si last season MVP Grace Irebu para sa Tigresses makaraang tumapos na may 36 puntos at 20 rebounds.
Pinamunuan niya ang pagkalas ng UST mula sa 3 puntos lang na bentahe nila sa halftime, 33-30, sa pamamagitan ng inilatag nilang 22-7 run na nagbigay sa kanila ng 55-37 na kalamangan sa third quarter. “I think it was our defense.
We contained La Salle in the third and fourth,” ani Tigresses coach Haydee Ong.
Sinuportahan si Irebu nina Lon Rivera na may 10 puntos at 3 rebounds, at Tacky Tacatac na ipinoste lahat ng 9 na puntos sa 3rd period kasama pa ang 5 rebounds.
Nagtapos ang UST sa first round na may barahang 5-2 upang tumaas sa ikalawang puwesto habang nalaglag ang Lady Archers sa 3-4 na marka.
Sa isa pang laban, pumatas ang FEU sa UST matapos manaig laban sa Adamson, 73-67. Nanguna si Clare Castro para sa Lady Tamaraws sa itinala niyang 28 puntos, 17 rebounds at 5 blocks.





Comments