top of page
Pokwang.jpg

Panawagang magtiwala sa SSS, para sa kapakanan ng nakararami

Fr. Robert Reyes
Sep 29, 2019
2 min read

Mahigit 30 taon na mula nang italaga si Fr. Albert Venus bilang unang chaplain ng Social Security System (SSS). Sa pamumuno ni Fr. Albert, patuloy na ipinagdiriwang ang misa para sa mga mananampalatayang Katoliko sa naturang ahensiya.

Sa misa ni Obispo Honesto Ongtioco ng Diyosesis ng Cubao sa kanilang ahensiya noong Huwebes, ibinahagi nito ang buhay, kalusugan at kasiguruhan. Suot ni Bishop Nes ang pulang kasulya na puno ng mga Chinese characters. Ayon kay Bishop Nes, ‘good luck, prosperity, health and happiness’ at iba pa ang ibig sabihin ng mga ito.

Ibinigay daw kay Bishop Nes ang kasulya ng mga kapatid nating Katolikong Tsino at ginagamit niya ito tuwing siya ay nagdiriwang ng misa para sa mga grupo o institusyong may kinalaman sa maayos na pamamalakad ng pananalapi at buhay-pinansiyal. Pula rin ang kulay ng kanyang kasuotan dahil nobenaryo ng kapistahan ng pinakaunang santong Pilipino, ang martir na si San Lorenzo Ruiz.

Hindi nahirapang ipakita ni Bishop Nes ang kaugnayan ng pag-iingat sa pananalapi at kay San Lorenzo Ruiz. Kung mahalagang pag-ingatan ang kayamanan sa lupa, higit na mahalaga ang kayamanan ng kaharian ng Diyos.

Ito rin ang tinukoy ni Pope Francis sa kanyang isinulat na Evangelium Gaudium, ang ‘Kagalakan ng Ebanghelyo’. Ayon sa Santo Papa, nasa buod ng Ebanghelyo ang pamamahayag tungkol sa malalim na kagalakang itinuturo at ipinagkakaloob ng salita ng Diyos.

Anumang pagsubok at krus ang dumating sa ating buhay dahil sa lalim ng ating pananalig at kaugnayan kay HesuKristo, walang makapaghihiwalay sa atin sa Kanya (sulat sa mga Romano 8:31-39).

Nang pinahihirapan si San Lorenzo Ruiz ng mga sundalong Hapon dahil pinipilit siyang iwaksi ang kanyang pananampalataya ay winika nito, “Kung ako ay bibigyan ng isang libong buhay, iaalay ko ang lahat ng ito sa ating Panginoon. Hindi ko ipagpapalit sa kahit ano ang aking pananampalataya sa Diyos.”

Ayon sa ilang kawani ng SSS na nakausap natin noong Huwebes, humigit-kumulang 38 milyon ang miyembro ng SSS, pero hindi raw hihigit sa 6 milyon lang sa mga ito ang nagbabayad ng buwanang kontribusyon.

Kung magbabayad at mag-aambag ang mga miyembro ng SSS sa pondo nito, hindi magkakaroon ng problema sa pagpapalawak ng naturang “coverage” nito.

Magkakaiba ang dahilan sa hindi pagbayad ng kontribusyon. Madalas ay dahil kulang ang kanilang badyet.

Kung kailangang palalimin ang pananampalataya ng bawat mananampalatayang Kristiyano, ganundin kahalagang palalimin ang pang-unawa at pagtitiwala sa konsepto ng SSS. Merong mga departamento sa SSS na responsable sa “recruitment” at “education” ng mga kasapi nito.

At ito ang ginagawa ng mga kawani at miyembro ng SSS na dumadalo sa misa.

Naglalaan sila ng panahong palalimin ang relasyon hindi lang sa kanilang sarili kundi maging sa Diyos na nagkakaloob ng walang hanggang kagalakan at kaligtasan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page