top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Gilid ng kalsada na pag-aari ng pribadong tao, dapat bayaran kapag kinuha ng Gobyerno

Dr. Persida V. Rueda-Acosta
Sep 29, 2019
3 min read

Nitong mga nakaraang araw ay usap-usapan sa social media sa ilang lugar na may mga isinagawang pagpuputol ng mga punongkahoy, waiting sheds at maging ng mga pribadong imprastruktura para paluwagin ang mga kalsada dahil ang mga ito diumano’y isinasagawa sa bisa ng kautusan ng Department of Interior and Local Government (DILG) na alisin ang mga nakaharang sa mga pampublikong kalsada.

Nakarating din sa pamunuan ng DILG na may ilang kinukuha ang mga gilid ng kalsada na pag-aari ng mga pribadong tao kahit walang kaukulang bayad mula sa pamahalaan.

Nang dahil sa mga balitang ito ay nag-anunsiyo ang DILG na ang layunin ng MC 121-2019 (Removal of Road Obstruction) ay alisin ang anumang bagay o imprastruktura na nakaaabala o nakaharang sa mga pampublikong kalsada bilang pagtugon sa kautusan ng pangulo na ibalik para sa pampublikong gamit ang mga kalsada o gilid ng kalsada na ginamit para sa pribadong interes at hindi para magkaroon ng “road widening” tulad ng pagkakaintindi ng ilang opisyal ng barangay na nabigyan ng nasabing memorandum.

Sa ating Saligang-Batas, partikular ang Section 1, Article III (Bill of Rights), nakasaad na hindi dapat alisan ng buhay, kalayaan o ari-arian ang sinumang tao nang hindi sa kaparaanan ng batas. Sinusugan pa ito ng Section 9 ng parehong artikulo kung saan nakasaad na ang pribadong ari-arian ay hindi dapat kunin nang walang wastong kabayaran.

Samakatwid, mula sa mga nabanggit na probisyon, hindi maaaring kunin ng sinumang opisyal sa pamahalaan, maging ng estado mismo ang ari-arian ng sinuman nang walang wastong kabayaran. Ang kapangyarihan ng estado na maglaan o kumuha ng pribadong pag-aari ng kahit sinong mamamayan ay may katumbas na responsibilidad na magbayad ng wastong halaga. Ito ay malinaw sa ating Saligang-Batas, maging sa mga desisyon ng Korte Suprema.

Sa desisyon ng Korte Suprema sa kaso ng National Transmission Commission versus Oroville Development Corporation (G.R. No, 223366, August 1, 2017) na isinulat ni Honorable former Associate Justice Jose C. Mendoza, idineklara ng Korte Suprema ang mga sumusunod:

“Eminent domain is the right or power of a sovereign state to appropriate private property to particular uses to promote public welfare. It is an indispensable attribute of sovereignty; a power grounded in the primary duty of government to serve the common need and advance the general welfare. The power of eminent domain is inseparable in sovereignty being essential to the existence of the State and inherent in government. But the exercise of such right is not unlimited, for two mandatory requirements should underlie the Government’s exercise of the power of eminent domain, namely: (1) that it is for a particular public purpose; and (2) that just compensation be paid to the property owner. These requirements partake the nature of implied conditions that should be complied with to enable the condemnor to keep the property expropriated.”

Kung ating babalangkasin ang naturang desisyon ng Korte Suprema, ating masasabing hindi maaaring kunin ng estado ang pag-aari ng sinuman maliban kung ang nasabing pagkuha ay naaayon sa sumusunod na kahingian (requisites): (1) Ang nasabing pagkuha ay dahil sa kailangan ito para sa pampublikong kadahilanan o gamit at (2) pagbabayad ng tama.

Ang just compensation o kaukulang kabayaran ay binigyang-kahulugan sa parehong kaso na nabanggit na sa itaas:

“Just compensation is defined as the full and fair equivalent of the property taken from its owner by the expropriator. The measure is not the taker’s gain, but the owner’s loss. The word “just” is used to intensify the meaning of the word “compensation” and to convey thereby the idea that the equivalent to be rendered for the property to be taken shall be real, substantial, full, and ample.”

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page