top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Sigaw ng publiko: Mga sasakyang ilegal na naka-park, i-tow lang, walang siraan!

  • Ryan B. Sison
  • Sep 28, 2019
  • 2 min read

Habang papalapit ang deadline ng road clearing operations, puspusan na ang pagtatra­baho ng mga opisyal ng Local Government Units (LGUs).

Pero sa kabila ng pagtatrabaho ng mga ito, tila may mali. Kamakailan, nagsampa ng kaso ang isang motorista laban kay Quezon City traffic czar Ariel Inton matapos nitong basagin ang salamin ng bintana ng kanyang sasakyang nakapa­rada.

Nakuhanan ng video ang pagbasag ni Inton sa salamin ng kotse sa harap ng condo sa Timog Avenue habang nagsasagawa ng road clearing operations.

Sa pahayag ng may-ari, iniwan niya ang sasakyan sa nasabing lugar at laking-gulat niya nang mawala ito. Nalaman na lang niyang ki­nuha pala ang sasakyan nang mapanood ang video online.

Aniya, mahalaga sa kanya ang kotse dahil pinaghirapan at pinagtrabahuhan niya ito. At kahit luma na ang sasakyan, hindi dapat ito sinira kung puwede namang i-tow.

Samantala, inako ng opisyal ang kanyang pag­kakamali at umaming nasobrahan sa pag­basag ng salamin ng kotse habang naninindi­gan ang may-ari ng kotse na kailangang ma­nagot ng opisyal.

Giit ni Inton, ilegal na nakaparada ang sasak­yan at matagal nang nakatengga kaya sinubu­kan itong alisin.

Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, iimbestigahan nila ang insidente dahil hindi umano ito ang protocol sa pag-aalis ng mga sasakyan.

Gusto nating malinis ang kalsada, pero kaila­ngan bang magkasiraan ng mga sasakyan o anumang pag-aari?

Bagama’t, nakikita nating ginagawa ng mga awtoridad ang kanilang trabaho para maging matagumpay ang clearing operation, sana, ga­win ito nang tama upang hindi na maulit ang ganitong insidente.

Panawagan sa mga kinauukulan, sana, ma­dagdagan ang mga signage na magbabawal sa mga motorista na mag-park.

Sana ay magsilbing-aral ito hindi lang sa mga awtoridad kundi sa mga mamamayan din.

Para sa mga may sasakyan, mag-park sa tamang lugar para iwas-tow at hindi maging obstruction.

At paalala sa mga awtoridad na todo-kayod sa clearing operation, trabaho lang, walang siraan!

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page