NLEX, sinagasaan ang Bolts; Abueva. lalaro na sa Fuels

Sinagasaan ng NLEX Road Warriors ang 105-99 panalo kontra Meralco Bolts upang itarak ang two-game winning streak sa PBA Governors Cup sa Araneta Coliseum kagabi.
Tumikada si JR Quiñahan ng 19 points habang bumakas si Oluseyi Ashaolu ng 17 puntos at 13 rebounds para sa Road Warriors na may 2-0 karta.
Maagang nagparamdam ng lakas ang Road Warriors, kinapitan nila ang nine-point lead, 55-46 sa haltime. Lalong ginanahan ang NLEX sa 3rd period, humarurot sila ng 28-22 bentahe para umalagwa ang kalamangan sa 15 puntos, 83-68 papasok ng fourth.
Hindi nagpabaya ang tropa ni head coach Yeng Guiao sa payoff period kaya nanatiling malinis ang kanilang karta sa dalawang laro.
Samantala, pakay ng Barangay Ginebra Gin Kings na lagukin ang pangalawang sunod na panalo pagharap nila sa nagkukumahog na Phoenix Fuel Masters sa alas-6:45 ng gabi sa Big Dome.
Tangan ang 1-0 karta, muling kakapitan ni head coach Tiim Cone si dating Best Import Justin Brownlee upang manatili sila sa tuktok ng team standings.
Nagtala si Brownlee ng 30 points, 22 rebounds, limang steals at apat na assists para sa Gin Kings na kinalos nila ang Alaska Aces, 102-83 sa kanilang unang laban.
Tiyak naman na itotodo ng Fuel Masters ang kanilang laro upang hindi sila mabaon sa ilalim.
May 0-2 baraha ang Fuelmasters. Pero may konting liwanag para sa Phoenix dahil malapit nang makapaglaro ang kanilang pambatong si Calvin Abueva. Masaya rin si Phoenix coach Louie Alas sa magandang balita.
“That’s a very good development. Hopefully lang mapadali,” saad ni Alas sa pagbabalik ni Abueva. “Pero at least ngayon may natatanaw ka ng liwanag sa dulo ng tunnel. Noon talagang confused kami kung ano,”
Magkakaldagan sa unang laro ang Rain or Shine Elasto Painters at TNT KaTropa.
Mga laro ngayon: (Araneta Coliseum)
4:30 p.m. - Rain or Shine vs TNT/
6:45 p.m. - Phoenix vs. Bgy. Ginebra





Comments