Nagpatakas sa drug Queen na si Guia Gomez, imbestigahan!
- Ka Ambo
- Sep 28, 2019
- 2 min read
Pinuputakti ang drug queen na si dating Kapitana Guia Gomez Castro.
Nakatakas daw siya palabas ng bansa noon lamang Setyembre 21, 2019.
Sino ang nagpatakas?
◘◘◘
DAPAT nasakote ito bago nakaalis ng bansa.
Napurnada ang operation nang biglang ibunyag ni PDEA Chief Aaron Aquino ang pagkakakilanlan sa “Drug Queen ng Maynila”.
Matagal nang sinusubaybayan ng NCRPO ang dating kapitana, pero nasorpresa ang mga operatiba nang biglang ibunyag ang pagkakakilanlan nito!
◘◘◘
KINILALA rin ang kapitana ng mismong MPD chief kaya napabilis ang pagtakas palabas ng bansa.
Ibig sabihin, habang nakaupo si P-Digong nang halos tatlong taon, malaya ang operasyon nito kakutsaba ang mga ninja cops.
Paano nangyari ‘yun?
◘◘◘
MARAMING lihim sa likod ng bruha, este, ng dating kapitana.
Sakaling maaresto siya ng mga “hindi kakampi”, maaaring ituro nito ang kanyang protektor na tiyak, may mataas na ranggo!
◘◘◘
MAY nagsasabing masyado pang “amateur” ang estilo ng PDEA chief at MPD chief kasi ibinunyag nila ang pagkatao ng suspek, gayung, hindi pala nila kayang dakpin agad.
Mas mainam ay dinampot na agad nila, bago ito nakatakas at saka ibunyag ang pagkakakilanlan!
◘◘◘
TULAD ng ordinaryong tao na si Janet Napoles na imposibleng maging “mastermind” ng nakawan sa gobyerno, imposible ring walang “mas malaking tao” sa likod ni Guia Gomez Castro.
Ang malinaw, hindi natatakot kay P-Digong ang protektor ng dating kapitana!
◘◘◘
MALINAW din na nasa loob pa ng bansa, nasa paligid lang at aktibo pa ang mga kakutsaba ng “Drug Queen”.
May ilang ulat na kaya hindi maaresto ang “Drug Queen” dahil walang makuhang matibay na ebidensiya ang pulisya laban sa dating kapitana.
Kung walang sapat na ebidensiya, bakit ibinunyag agad ang kanyang pagkatao?
◘◘◘
MALAKING palaisipan ang “Drug Queen”, lalo pa at aminado ang mga operatiba na mismong mga pulis ang kakutsaba ng bruha.
Ano kaya ang nasa isip mismo ni P-Digong?
Pinaglalaruan lang siya ng mga “drug lords”.
Tsk-tsk-tsk!





Comments