Naglalaman ng pagpapahirap sa kanya sa hazing.. Sulat ni Dormitorio, inilabas ng pulisya
- Jeff Tumbado
- Sep 28, 2019
- 1 min read

Inilabas na ng pulisya ang liham ni 4th Class Cadet Darwin Dormitorio tungkol sa brutal na sinapit nito sa pamamagitan ng hazing mula sa kamay ng kanyang upperclassmen.
Napag-alaman kay Baguio City Police Office (BCPO) Chief Lt. Col. Allen Rae Co, may petsang Agosto 21, 2019 ang liham na isinulat ni Dormitorio, isang buwan bago ito pumanaw.
Sa nabanggit na liham, idinetalye ni Dormitorio na sinaktan siya nina 3rd class Cadets Shalimar Imperial at Felix Lumbag at isang Cadet Manalo dahil sa paggasta niya sa kanyang allowance.
Inatasan umano siyang magsagawa ng “pumping exercises” at “bridge under bunks” at nakaranas din siya ng pananakit mula sa mga kadete.
Nakasaad sa sulat na ilang beses siyang nahulog at bumagsak sa sahig.
Galit na galit umano si Cadet Lumbag kaya pinataas ang kanyang kamay at ilang beses siyang sinuntok sa kanyang katawan, partiular sa bahagi ng dibdib nito.
Naospital si Dormitorio matapos ang isinagawang hazing sa kanya.
Sina Imperial at Lumbag ay kapwa na-dismissed na dahil sa partisipasyon sa hazing kasama ang nag-udyok na si Cadet 1st Class Axl Rey Sanupao.
Samantala, umabot na sa anim ang mga suspek sa pagkamatay ni Dormitorio.
Hindi muna pinangalanan ang pinakahuling nadagdag sa listahan na isa umanong 2nd class cadet.
Ang ikaanim na suspek umano ang pinakahuling nanakit sa 20-anyos na kadete bago itinakbo sa ospital noong Setyembre 17. Sinipa umano nito si Dormitorio nang makita niyang nakahiga sa kanyang kama ang biktima.





Comments