Magnaye at Pomar, naka-gold sa BWF international series

Pumalo ng tatlong medalya ang Philippine National Badminton Team sa nagdaang 2019 BWF International Series noong Setyembre 18-22 sa Sydney, Australia. Inuwi nina Peter Gabriel Magnaye at Thea Marie Pomar ang gold medal sa mixed doubles event ng pataubin nila ang Australian tandem nina Oliver Leydon-Davis at Anona Park sa iskor na 2-0,
Nadiskaril ang All-Filipino finals showdown sa pareho ring event nang talunin nina Davis at Park ang pares nina Alvin Morado at Allysa Yasbel Leonardo sa semis round, 0-2, para makuntento lang sa bronze medal.
Sa Men’s Doubles, kinapos ang pagsasanib-puwersa nina Magnaye at Morado nang talunin sila ng samahan nina Chen Xin-Yuan at Lin Yu Chieh ng Chinese Taipei, 1-2 upang makuntento sa silver medal.
Hindi pinalad sa round of 32 ng men’s singles sina Ros Leonard Pedrosa nang tumaob kay Lim Chong King ng Malaysia, 0-2 at ni Lanz Ralf Zafra nang daigin siya ni Aidil Sholeh Ali Sadikin ng Malaysia, 0-2.
Kinulang naman ang duo nina Leonardo at Pomar sa Australian partners na sina Joyce Choong at Sylvina Kurniawan, 1-2 sa women’s doubles, habang hindi nakalusot sa round 32 si Aira Mae Nicole Albo kay Luisa Ma ng Australia, 0-2 sa women’s singles.





Comments