Hazing, hindi sagot para magkadisiplina


Ang pagdidisiplina ay hindi nakukuha sa bugbog, suntok, pang-iinsulto, pagmumura o iba pang uri ng pananakit.
Ito ay maaaring gawin sa mas malumanay na paraan, maayos na usapan at pagtrato na may respeto.
Kamakailan, isa na namang insidente ng hazing ang ikinamatay ng isang estudyante — katunayan, siya ay plebe ng Philippine Military Academy (PMA), ang 20-anyos na si Darwin Dormitorio na tubong-Bukidnon.
Hindi ba talaga tayo matututo? Paulit-ulit na lang ito dahil sa kapabayaan ng mga pinuno.
Malinaw ang isinasaad ng ating umiiral na Anti-Hazing Law, pero itong mga opisyal natin sa military institutions, ipinatutupad pa rin ang tinatawag nilang “operational code” na mapanganib para sa mga neophyte.
Paalala lang, hindi natin makukuha sa karahasan ang tiwala at katapatan ng ating mga nasasakupan. Maraming maayos na paraan na hindi kailangang magkasakitan at magkapatayan.
Tuldukan na natin ang panganib na dulot ng hazing.
◘◘◘
Nanganganib pa rin ang hog industry dahil sa pagkalat ng African Swine Flu (ASF).
Hanggang ngayon, wala pang natutuklasang gamot o kontra bakuna para sa mga baboy laban sa sakit na ito.
Ang konsuwelo na lang, pinatunayan ng Department of Health (DOH) na hindi naihahawa sa tao ang ASF.
Ang payo lang nila ay kung bibili ng karne, partikular ng baboy, hugasan ito sa malinis na tubig at lutuin nang maigi.
Malaking problema ang ASF. Hindi man ito kasingbagsik ng bagyo, baha o lindol, maituturing din itong kalamidad dahil malawak ang negatibong epekto nito mula sa kabuhayan ng mga taong umaasa sa industriyang ito hanggang sa galaw ng ekonomiya.
Mahigit P280 bilyon ang kinikita ng bansa sa hog industry kaya kailangang maagapan ito sa lalong madaling panahon. Ano ba ang magagawa ng gobyerno para rito?
Ang Department of Agriculture (DA) ay may P1 bilyong Quick Response Funds na nakapaloob sa ating Calamity Fund. Malaking tulong ang maibabahagi nito sa laban ng gobyerno sa ASF.
Sa 2020 General Appropriations Act, may nakalaang P20 bilyon para sa calamity fund at P1 bilyon dito ay QRF ng DA.
Sa mga ganitong pagkakataon, dapat gamitin ang pondong ito.
Noong Setyembre 10 naman, nagpalabas ang DBM ng kabuuang P82.5 milyon sa DA para resolbahin ang ASF.
Sa nasabing halaga, P32 milyon ang gagamitin para mapalakas ang seguridad sa meat screening sa mga paliparan, habang P28 milyon ang para sa laboratory testing ng mga produktong karne.
Pinupuri natin ang mga kinauukulan sa kanilang masinsinang quarantine measures, pero ang problema ay kulang talaga tayo sa pondo.
At dahil ‘budget season’ ngayon at nangunguna ang ating komite sa Senado, ang Senate Committee on Chairman kung saan tayo ang chairman, bukas kami sa anumang budget suggestion mula sa mga kaibigan natin sa DA.





Comments