Habambuhay na kulong sa magha-hack at magnanakaw ng bank accounts at credit cards

Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11449 o Access Devices Regulation Act of 1998 na may mabigat na parusa sa mga sangkot sa credit card skimming at bank hacking.
Sa ilalim ng batas, ang paggamit ng access devices ay isang uri ng economic sabotage at heinous crime at dapat patawan ng pinakamataas na parusa.
At dahil maituturing na economic sabotage ang pagha-hack ng bank system, skimming ng mahigit 50 debit o credit card at online bank accounts, ito ay non-bailable offense at mahaharap sa habambuhay na pagkakabilanggo at multang P1 hanggang P5 milyon ang sinumang masasangkot sa naturang krimen.
Samantala, inisa-isa ang mga parusang ipapataw sa sinumang lalabag sa batas. Ang pagkakaroon ng 10 counterfeit devices at ilegal na pag-a-access sa anumang uri ng account ay may parusa ng 12 hanggang 20 taong pagkakakulong at multang P500, 000.
Pero, kapag walang na-access na account, ibababa ang sentensiya ng anim hanggang 12 taong pagkakabilanggo at multang P300, 000.
Gayunman, ang ilegal na paggamit ng credit card ay may parusang apat hanggang anim na taong pagkakakulong.
Ang mga lalabag sa Section 9 ng naturang batas ay parurusahan ng mula 12 hanggang 20 taong pagkakabilanggo at multang P800, 000.
Sa ilalim ng Section 9, inilahad ang mga pagkakasala kabilang ang pagpo-produce at paggamit ng pekeng credit card at ilegal na paggamit ng ATM at credit card.
Ang batas na ito ay hindi lang babala para sa mga gumagawa ng ilegal kundi para mga card holder din.
Ngayong patok na naman ang pagsa-shopping, hangga’t maaari ay gumamit ng cash sa anumang uri ng transaksiyon, mapa-online man o sa mall.
Gayundin, ang impormasyon sa lahat ng uri ng card tulad ng card number at CVC o CVV code ay hindi dapat ibahagi kahit kanino.
Marami nang nabiktima sa ganitong uri ng krimen kaya tama lang na tinaasan ang parusa sa sinumang gagawa nito.
Tanging panawagan sa mga awtoridad, pagpaparusa sa mga magha-hack ng bank systems at ilegal na gagamit ng mga credit card, gawin na!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments