Walang imposible!.. Titser kahit bingi, nagturo sa special children
- Kuya Win Gatchalian
- Sep 26, 2019
- 3 min read

Happy National Teachers’ Month!
Mula ika-5 ng Setyembre hanggang ika-5 ng Oktubre, ipinagdiriwang sa buong bansa ang espesyal na buwan para sa mga mahal na guro na may tema ngayong taon na “Gurong Pilipino: Handa sa Makabagong Pagbabago.”
Kamakailan, ating napatunayang hindi lamang sa mga guro sumisimbolo ang temang ito kundi maging sa iba pang propesyunal.
Noong Hulyo, nagkaroon ang inyong lingkod ng hindi malilimutang oportunidad na makilala at makapanayam ang 10 sa marami nating magagaling na propesyunal sa bansa na nagpapakita ng tunay na kahandaan sa tawag ng serbisyo sa pamamagitan ng kanilang galing, talino, integridad at pagmamahal sa napiling larangan at bayan.
Sila ang apat na guro, tatlong pulis at tatlong sundalo na pinarangalan kamakailan bilang 2019 Metrobank Foundation Outstanding Filipinos.
Tunay na karangalan para sa atin ang maging chairperson ng Final Board of Judges nito dahil sa ating lubos na paghanga sa kanilang mga tagumpay sa serbisyo at aral ng buhay na natutunan mula sa kanilang mga karanasan sa napiling propesyon.
Kamakailan, nagsumite ang inyong lingkod ng Senate Resolution No. 88 o “Resolution Honoring and Commending the Metrobank Foundation Outstanding Filipinos of 2019” upang sila ay kilalanin at maparangalan para sa kanilang hindi matinag na pagmamalasakit, dedikasyon, integridad at tapat na paglilingkod sa komunidad sa iba’t ibang panig ng bansa, sang-ayon sa Konstitusyon ng ating Republika.
Sa serbisyo ng kasundaluhan, kabilang dito sina Master Sergeant Ramil A. Caporas ng Philippine Army; Major Romulo G. Dimayuga II ng Philippine Navy-Marines at Lieutenant Colonel John Paul D. Baldomar ng Philippine Army.
Sa serbisyo naman ng kapulisan ay sina Police Chief Master Sergeant Marsha T. Agustin RSW; Police Major Robert A. Reyes at Police Colonel Edwin A. Quilates.
Habang sa larangan ng edukasyon ay sina Teacher Dorothy S. Tarol, PhD; Teacher Cristina B. Cristobal, PhD; Professor Ricardo T. Jose, PhD at Professor Eva Maria C. Cutiongco-dela Paz, MD.
Hayaan ninyong ibahagi natin ang kanilang mga nagawa at maging ang ating napulot na aral mula sa kanila. Sundan ang kuwento ng tagumpay ng apat na guro, tatlong pulis at tatlong sundalo sa ating susunod na limang kolum.
Ating umpisahan kay Teacher Dorothy S. Tarol, PhD.
Siya ay Master Teacher II ng SPED-Integrated School for Exceptional Children sa Iloilo City na nagtuturo sa mga batang may problema sa pandinig at iba pang mga pagkakaiba.
Noong nawala ang kanyang pandinig sa edad na 35, hindi sumuko si Teacher Dorothy sa kanyang propesyon.
Sa halip, ginamit niya ang kanyang pisikal na karanasan upang makagawa ng estratehiyang tinawag niyang “Buddy Mediated Instruction (BMI): Pivotal Strategy for Spelling and Social Skills for Children with Hearing Impairment.”
Sa pamamagitan nito, sabay na natututong magbasa at magsulat ang isang pares ng mag-aaral kung saan ang isa sa kanila ay “fast learner”, habang ang isa naman ay “slow learner.”
Magandang ideya ito dahil naiiwasan ang diskriminasyon sa mga may espesyal na pagkatuto na mag-aaral.
Nagsilbing inspirasyon ang pamamaraang ito sa paggawa ni Teacher Dorothy ng mother tongue workbook na “Pinanid nga Hilikuton sa mga Kasampaton sa Hiligaynon (Workbook in Hiligaynon for Kindergarten)” kung saan nagbibigay ito ng mga aktibidad sa pagbabasa, pagsusulat, pagbibilang at finger spelling sa mga estudyante ng kindergarten na hirap sa pandinig.
Bukod dito, nagtuturo rin siya sa mga indigenous learner at Persons Deprived of Liberty (PDL) sa pamamagitan ng kanyang “Ang Pagbasa ay may Pag-asa Program” dahil naniniwala siyang hindi limitado ang edukasyon sa loob lamang ng apat na sulok ng klasrum.
Ilan lamang ito sa mga magagandang inobasyong nagawa ni Teacher Dorothy na kinikilala ng Department of Education (DepEd) Divisions ng Iloilo.
Ang matagumpay mong pagtuturo ay karapat-dapat na ipagmalaki hindi lamang sa ating bansa kundi maging sa iba’t iba pang sulok ng mundo. Tunay kang kahanga-hanga!
Muli, congratulations, Dr. Dorothy S. Tarol, tinaguriang Western Visayas’ Paragon of Inclusive Education!
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments