Resulta ng architecture examination, 1 month bago lumabas
Dear Chief Acosta,
Katatapos ko lang kumuha ng pagsusulit upang maging registered architect. Nais ko sanang malaman kung ako ay nakapasa sa aming pagsusulit. Gaano ba katagal ang paglabas ng resulta nito? — Patty
Dear Patty,
Para sa iyong kaalaman, ang batas na sumasaklaw sa sitwasyong inyong inilahad ay ang Sections 15 at 16 ng Republic Act No. 9266 na mas kilala bilang “The Architecture Act of 2004” kung saan nakasaad:
SECTION 15. Rating in the Licensure Examination. – To be qualified as having passed the licensure examination for architects, a candidate must obtain a weighted general average of seventy percent (70%), with no grade lower than fifty percent (50%) in any given subject.
SECTION 16. Report of Ratings. – The Board shall submit to the Commission the ratings obtained by each candidate within thirty (30) calendar days after the examination, unless extended for just cause. Upon the release of the results of the examination, the Board shall send by mail the rating received by each examinee at his/her given address using the mailing envelope submitted during the examination.”
Ayon sa nasabing batas, upang makapasa ng licensure examination para sa architecture, nararapat na makakuha ang aplikante ng general weighted average na hindi bababa sa gradong 70% at hindi dapat nakakuha ng grado na bababa sa 50% sa alinmang subject.
Sa inyong sitwasyon, isusumite ng Professional Regulatory Board of Architecture ang mga rating ng bawat nag-take ng exam sa Professional Regulations Commission sa loob ng 30 araw matapos ang licensure examination, maliban na lang kung palawigin ang panahong ito kaakibat ng sapat na dahilan.
Sa paglabas ng resulta nito, magpapadala ang Professional Regulatory Board of Architecture ng sobre sa bawat examinee kung saan nakalakip ang kanilang nakuhang rating.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan.
Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito.
Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.





Comments