P-Digong, napikon na kinuwestiyon ang war on drugs, tulong ng ibang bansa, ipinatitigil
Hihingi raw si Defense Sec. Delfin Lorenzana ng exemption sa inilabas na memo ni Pangulong Rodrigo Duterte kung saan hindi na tatanggap ng mga tulong-pinansiyal at pautang mula sa mga bansang bumoto sa U.N. para sumang-ayon sa imbestigasyon sa war on drugs nito.
Sa madaling salita, hindi na kayang tanggapin ng Palasyo na kuwestiyunin ng ibang bansa ang isinasagawang war on drugs kaya pinuputol na ang anumang tulong-pinansiyal mula sa kanila.
Ganu’n ba kayaman ang gobyerno ng Pilipinas?
Pero, maaapektuhan daw ang mga programang modernisasyon ng militar kung mawawala ang tulong mula sa mga kilalang kaalyado tulad ng Australia. Matatandaang, tumulong ang Australia noong may krisis sa Marawi.
Ikinokonsidera rin ng AFP ang U.K. at Czech Republic para sa mga armas at sandata.
Minamaliit naman ng DFA (hindi na bago ‘yan) ang mga tulong mula sa mga bansang bumoto sa U.N..
Tulad ng nabanggit natin, “mayaman” talaga siguro ang gobyerno dahil sa paglapit sa China kaya wala nang pakialam kung mawala man ang anumang tulong mula sa ibang bansa.
◘◘◘◘
“Hazing ang humulma sa aking pagkatao.” Ito ang pahayag ng isang mambabatas na nagtapos sa PMA habang may imbestigasyon sa namatay na kadete dahil umano sa hazing.
Inamin nitong dumaan din siya sa hazing at ito raw ang humulma sa kanyang pagkatao ngayon.
Pero, agad namang nagpahayag na hindi dapat pinahihintulutan ang hazing, lalo na at may batas na laban dito.
Personal na opinyon at pananaw lang daw ‘yun.
May estudyanteng namatay o sabihin nating napatay sa PMA dahil sa hazing. Matagal nang ipinagbabawal ang hazing, pero tila hanggag ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang tradisyong ito.
Tila binibigyang-katwiran na ang hazing ay maaaring humulma sa pagkatao ng kadete tulad ng nangyari sa kanya.
Pero, paano magiging ‘paghuhulma’ kapag patay na ang kadete? Mapapakamot ka na lang ng ulo sa pahayag na ito habang iniimbestigahan ang pagkamatay ng kadete sa PMA.
Kaugnay nito, habang isinusulat ang kolum na ito, nagbitiw na sa kani-kanilang posisyon sina Superintendent Lt. Gen. Ronnie Evangelista at Commandant of the Corps of Cadets Brig. Gen. Bartolome Vicente Bacarro dahil sa naganap na hazing sa ilalim ng kanilang pamumuno.
Hindi talaga maganda ang tradisyong ‘yan, lalo na sa institusyong tulad ng PMA.





Comments