Nagte-training, bangka tumaob.. 7 sa Boracay Dragon Boat, patay

Dedo ang pitong miyembro ng Boracay Dragon Boat Team habang nasagip naman ang 14 na iba pa matapos lumubog ang sinasakyang dragon boat kahapon ng umaga sa Sitio Lingganay, Bgy Manoc-manoc, Boracay Island, Malay, Aklan.
Sa ipinadalang inisyal na ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), 25 umano ang sakay ng dragon boat nang lumubog matapos hampasin ng mga higanteng alon kahapon ng alas-7:40 ng umaga.
Nabatid na ang mga nasagip na pasahero ay dinala ng PCG sa Saint Gabriel Hospital para mapasuri.Kabilang sa mga namatay sina Arcob Comar, John Vincent Natividad, Mark Vincent Navarrete, Johann Tan, Maricel Tan, Rachel Montoya at Antonette Supranes.Ayon sa survivor, nasa layong 300 meters mula sa dalampasigan ng Tulubhan nang pasukin ng tubig-dagat ang kanilang 20-seater na dragon boat.
Nabatid na ang ilan sa kanila ay kumapit sa lumubog na boat habang ang iba ay pinilit na lumangoy pabalik sa dalampasigan.
Nalaman na ang grupo na Dragon Force ay magsasanay sana para sa parating na international competition.
Patuloy namang nagsasagawa ng search and rescue operation ang PCG.





Comments